6 milyon Pinoy nakawala sa kahirapan
MANILA, Philippines — May isang milyong pamilya o anim na milyong Pilipino ang nakawala sa kahirapan sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sinabi ni Albay Rep. Joey Salceda na, batay sa pinakahuling datos ng gobyerno, ang poverty incidence sa mga pamilya sa bansa ay bumaba sa 16.6% noong 2018 mula sa dating 23.3% ng taong 2015.
Ayon kay Salceda, tagapangulo ng ways and means committee ng House of Representatives, ang 5.5% drop ay katumbas ng 1.1 milyong pamilya o 5.9 milyong indibidwal na nagawang mamuhay nang nakaangat mula sa poverty line.
Ipinaliwanag niya na, sa nagdaang administrasyon noong 2015, may 4.1 pamilya o 23.5 milyong Pilipino ang nabubuhay sa ilalim ng poverty line at, pagkaraan ng tatlong taon sa ilalim ng administrasyong Duterte, bumaba ang bilang na ito sa tatlong milyong pamilya o 17.6 milyong indibidwal.
“Ito sa ngayon ang pinakamahalagang positibong balita sa unang tatlong taon ng administrasyong Duterte,” diin ni Salceda.
Sinabi pa ni Salceda na pinasisinungalingan ng naturang mga datos ang mga pangamba na ang Tax Reforms for Acceleration and Inclusion Law ay magpapataas sa poverty level sa bansa.
Naniniwala si Salceda na ang pagbabang ito sa poverty rate ay nagpapakita na nagkakabunga ang Dutertenomics.
Binanggit niyang iba pang senyales ang infrastructure development mula 2.8% hanggang P5.2% sa pamamagitan ng Build-Build-Build programs na nakalikha ng dalawang milyong trabaho at ang tax-to-GDP ratio na 14.7% sa first quarter ng taong ito.
Binanggit pa niya ang mga social investments sa health, basic, technical at higher education na dahilan para maging more inclusive ang growth.
- Latest