'After ASF': Pork products ng Mekeni balik-merkado matapos i-endorso ng FDA

"Matapos ang masusing pag-aaral ng mga dokumento at test results, nakakuha na ng clearance sa FDA ang Mekeni sa pamamagitan ni Usec. [Rolando Enrique] Domingo na makapag-redistribute," ayon sa kanilang pahayag na pinetsahang ika-5 ng Disyembre.
The STAR/Michael Varcas, File

MANILA, Philippines — Handa nang ibalik ng Mekeni Food Corporation ang kanilang pork-based products matapos iendorso ng Food and Drug Administration ang muli nilang pagdi-distribute sa merkado.

"Matapos ang masusing pag-aaral ng mga dokumento at test results, nakakuha na ng clearance sa FDA ang Mekeni sa pamamagitan ni Usec. [Rolando Enrique] Domingo na makapag-redistribute," ayon sa kanilang pahayag na pinetsahang ika-5 ng Disyembre.

Boluntaryong ipina-recall ng kumpanya ang kanilang mga produktong gawa sa baboy noong Oktubre matapos maiulat na nahawaan ng African swine fever ang ilan nilang produkto.

Nobyembre nang kumpirmahin ng Bureau of Animal Industry na nagpositibo sa ASF ang ilang samples ng Mekeni Picnic Real Classic Hotdog 500mg at Skinless Longaniza 200mg.

Sa isang liham, sinabi raw ni Health Undersecretary Domingo ang sumusunod sa Inggles:

"Matapos ang ebalwasyon ng mga isinumiteng dokumento, at bilang napagkasunduan na sa aming pagpupulong, ipinababatid sa lahat na pinapayagan na ng Opisinang ito ang redistribution ng mga nasabing processed pork meat products na nagnegatibo sa ASF."

Tinitiyak na raw ng FDA clearance at SGS results na nagnegatibo na ng 100% sa ASF virus DNA ang kanilang mga produkto, pasilidad, kagamitan at hilaw na materyales.

Kusang pagtatanggal sa mekado 'para sa publiko'

Ayon naman kay Prudencio Garcia, presidente ng Mekeni, ipina-pull out nila noon sa mga pamilihan ang kanilang mga gawa para mapigilang maging carrier ng ASF ang kanilang mga produkto.

"[K]ahit alam naming lubhang maaapekto iyon sa negosyo namin, minabuti naming panindigan ang aming core values para unahin ang kapakanan ng publiko," ani Garcia.

"Kahit na sinabi na noon ng Department of Health na walang banta sa kalusugan ng tao ang ASF, sineryoso namin ang usapin para mapahusay pa ang aming mga proseso."

Bagama't walang epekto sa tao, lubhang nakamamatay ang nasabing virus oras na dumapo sa mga buhay na baboy.

Ipangangako rin ng Mekeni na dadaan sa masusing ASF testing ang lahat ng karneng gagamitin nila na magmumula sa Pilipinas at abroad.

Magsasagawa rin daw sila ng palagiang "environmental swabbing" sa kanilang mga pasilidad para maiwasan ang posibilidad ng kontaminasyon.

Giit pa ni Garcia, isolated case lang ang naganap at maaaring nangyari rin sa iba pang meat processor.

Patuloy naman daw makikipag-ugnayan ang Mekeni sa Department of Agriculture, Department of Health at National Meat Inspection Service para makapagpatupad ng mas komprehensibong plano para maiwasan ang pagkalat ng ASF maging sa ibang kumpanya. — may mga ulat mula kay The STAR/Maureen Simeon

Show comments