MANILA, Philippines – Halos P2 bilyon ang halaga ng iniwang pinsala sa agrikultura ng bagyong Tisoy matapos manalasa sa iba’t ibang rehiyon sa Pilipinas.
Sa inisyal na datos na inilabas ng Department of Agriculture (DA) kahapon, aabot sa 106,525 metric tons ang naging production loss ng mga magsasaka sa mga rehiyon ng Bicol, Calabarzon, Mimaropa, Central Luzon, at Western Visayas dahil sa bagyo.
Nasa 47,639 ektarya ng taniman naman ang nasalanta at 20,830 ang mga magsasakang naapektuhan. Katumbas ito ng P1.93 bilyong halaga ng pinsala.
Pinakanaapektuhang mga pananim ang mga palay at mais, habang naapektuhan din ang livestock at ibang agri-facilities.
Ayon sa DA, nakahanda na ang mga ipamamahaging tulong sa mga naapektuhang magsasaka at mangingisda sa Bicol Region.
Si Tisoy ang pinakamalakas na bagyong tumama sa bansa ngayong 2019 at nag-iwan ng 17 patay.