CAMARINES SUR, Philippines — Isinusulong sa Kamara ang mas mahigpit na parusa sa mga driver ng public utility vehicles (PUVs) na mamamasada sa loob ng 12 oras o higit pa.
Sa House bill 1768 ni Deputy Speaker at Camarines Sur Rep. Luis Raymund Villafuerte, paparusahan ang mga driver na mapapatunayang pumasada sa loob ng 12 oras sa loob ng 24 oras.
Paliwanag ni Villafuerte, isang dahilan din ng mga aksidente sa kalsada ay over fatigue ang driver na nagdudulot ng pagkahilo, lalo na kung long drive at nawawalan sila ng konsentrasyon lalo na sa gabi.
Sa pamamagitan umano ng panukala ay mababawasan ang aksidente sa kalye at magkakaroon ng sariling disiplina ang mga driver.
Bukod sa mga driver, paparusahan din ang mga kumpanya o institusyon na papayagan ang kanilang mga driver na magtrabaho ng walang pahinga o shifts.
Ganito umano ang ginagawa ng mga pampasaherong bus dahil sa mga turista nila kaya umaabot sa 13 oras ang biyahe mula Metro Manila patungong Camarines Sur.