MANILA, Philippines — Nabawasan nang kaonti ang bagsik ng bagyong "Tisoy" sa patuloy nitong pagbagtas sa hilagang bahagi ng mga probinsya ng Mindoro, Martes ng hapon.
"From 150 [kilometers per hour] po kanina, bahagyang humina pa ito into 140 [kph], pero technically, malakas pa rin po ang hangin na dala nito," ayon sa PAGASA weather specialist na si Benison Estareja, bandang alas-dos ng hapon.
Mula sa 205 kilometro kada oras, bumaba naman na sa 195 kilometro kada oras ang bugso ng hangin na dala ng bagyo.
Kaninang 12:30 ng hapon, tumama sa ikaapat na pagkakataon sa kalupaan ang bagyong "Tisoy" sa Naujan, Oriental Mindoro.
Kaninang ala-una, natagpuan ang mata ng typhoon sa bandang Baco, Oriental Mindoro at kumikilos pakanluran sa bilis na 25 kph.
"Malakas ang ulan hanggang mamayang gabi po dito po sa Metro Manila, mga more on direct to heavy rains po, and even po dito sa Calabarzon," sabi pa ni Estareja.
Sa ngayon, patuloy na nakataas ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 3 sa mga sumusunod na lugar:
- katimugang bahagi ng Quezon (Sampaloc, Lucban, Tayabas, Pagbilao, Lucena, Sariaya, Candelaria, Dolores, Tiaong, San Antonio)
- Marinduque
- Oriental Mindoro
- Occidental Mindoro (kasama ang Lubang Island)
- Batangas
- Cavite
- Laguna
Signal No. 2 naman sa:
- Burias Island
- Romblon
- hilagang bahagi ng Camarines Sur (Cabugao, Libmanan, Pamplona, Pasacao, Sipocot, Lupi, Ragay at Del Gallego)
- Camarines Norte
- Metro Manila
- Bulacan
- Bataan
- Tarlac
- Pampanga
- Nueva Ecija
- katimugang bahagi ng Aurora (Dipaculao, Maria Aurora, Baler, San Luis at Dingalan)
- Rizal
- nalalabing bahagi ng Quezon (kasama ang Polillo Islands)
- Calamian Islands (Coron, Busuanga, Culion at Linapacan)
- Zambales
- Pangasinan
- Northen Aklan (Malay, Buruanga, Nabas at Ibajay)
- hilagang bahagi ng Antique (Caluya, Libertad at Pandan)
Para naman sa mga sumusunod na lugar, Signal No. 1 pa rin:
- Southern Isabela (Palanan, Dinapigue, San Mariano, San Guillermo, Benito Soliven, Naguilian, Reina Mercedes, Luna, Aurora, Cabatuan, San Mateo, Cauayan City, Alicia, Angadanan, Ramon, San Isidro, Echague, Cordon, Santiago City, Jones at San Agustin)
- Benguet
- Nueva Vizcaya
- La Union
- Quirino
- nalalabing bahagi ng Aurora
- hilagang bahagi ng Palawan (El Nido, Taytay, Araceli, Dumaran)
- nalalabing bahagi ng Camarines Sur
- Cuyo Islands (Cuyo, Magsaysay at Agutaya)
- Masbate (kasama ang Ticao Island, Albay, Sorsogon at Catanduanes)
- kanlurang bahagi ng Northern Samar (Capal, San Antonio at San Vicente)
- Lavezares
- Allen
- Biri
- Rosario
- Victoria
- San Jose
- San Isidro
- Bobon
- Catarman
- Lope de Vega
- hilagangkanlurang bahagi ng Samar (Calbayog, Tagapul-am, Almagro atSto. Niño)
- Capiz
- Iloilo
- nalalabing bahagi ng Aklan, nalalabing bahagi ng Antique
Hanggang ngayong hapon, maaaring maranasan ang madalas hanggang tuluy-tuloy na malalakas hanggang matitinding pag-ulan sa Romblon, Marinduque, Mindoro Provinces at Calabarzon.
Minsanan hanggang madalas na malalakas na pag-ulan naman ang mararanasan sa Metro Manila, Bicol at Central Luzon.
Sunud-sunod na malalakas na pag-ulan naman ang matitikman ng Aklan, Antique, Capiz at hilagang bahagi ng mga probinsya ng Negros.
Pag-igi ng panahon bukas?
Tinitignan ng PAGASA na iigi na ang lagay ng panahon pagdating ng Miyerkules, paliwanag ni Estareja.
"Mamayang gabi po ay nasa may West Philippine Sea na po itong si bagong 'Tisoy,'" wika niya.
Bagama't magiging maulap pa rin sa Central Luzon bukas, tinatayang makatitikim na ng pag-araw sa Metro Manila.
Dahil dito, hindi na inirerekomenda na mawalan ng pasok bukas.
Kung patuloy ang direksyon ng bagyong "Tisoy," maaaring lamabas ito sa Philippine area of responsibility pagsapit ng ika-5 ng Disyembre.
Bagong LPA
Samantala, posibleng pumasok ng PAR ang panibagong low pressure area 2,000 kilometro silangan ng Mindanao pagdating ng Biyernes.
Kasalukuyang pakanluran ang pagkilos nito ngunit nakikitang mananatiling LPA.
"Mababa po ang tiyansa na ito ay magiging isang bagyo. Hindi pa naman siya makikita na susunod dito kay 'Tisoy,'" sabi pa ni Estareja.