6 na bagong bagon ng PNR darating sa Disyembre

"Ang anim na bagong bagon ay bahagi lang ng kabuuang 37 rail cars at 3 locomotives na in-order ng PNR mula sa Indonesia," sabi ng DOTr sa isang pahayag.
Released/Department of Transportation

MANILA, Philippines — Paparating na ng Pilipinas ang mga karagdagang bagon ng Philippine National Railways, pagbabahagi ng Department of Transportation sa isang paskil, Miyerkules.

Anim na bagon ang kasalukuyang nasa Surabaya Port sa Indonesia habang hinihintay ang carrier ship na magdadala dito sa bansa.

Ang mga nabanggit ay gagamitin ng PNR para sa rutang Tutuban-FTI at Malabon-FTI ng PNR.

Tinatayang makararating ang dalawang train sets sa ika-8 o ika-9 ng Disyembre, na dadagdag sa anim na unit, tatlong set at 25 coach na kasalukuyang operational sa PNR.

"Ang anim na bagong bagon ay bahagi lang ng kabuuang 37 rail cars at 3 locomotives na in-order ng PNR mula sa Indonesia," sabi ng DOTr sa isang pahayag.

Bubuuin ng 37 bagon ang siyam na train sets, na nakatakdang makumpleto mula Disyembre 2019 hanggang Pebredo 2020.

Sa ngayon, tumatakbo ang mga linya ng Tutuban-Calamba, Tutuban-Gov. Pascual, Calamba-Los Baños at Naga-Sipocot, na bubuo sa 136.93 kilometrong riles.

Nagpapatuloy naman sa kasalukyan ang proyektong linya na Tutuban-Malolos, Malolos-Clark, Solis-Calamba, South Long Haul: Sucat-Sorsogon Batangas Branch Line at Carmona Branch Line, na aabot sa 807.6 kilometro.

Samantala, nagsasagawa naman ng feasibility studies kaugnay ng North Philippine Dry Port Container Rail Transport Service, Balagtas-Cabanatuan Spur Line, Tarlac-San Jose Spur Line, Balagtas-Tarlac Main Line, Tutuban-Balagtas Main Line at San Jose Extension (San Jose-Cabanatuan), na aabot sa 342.51 kilometro.

Show comments