MANILA, Philippines — Aminado si Pangulong Duterte na kulang na ang panahon para mabigyan ng solusyon ang problema ng trapiko sa EDSA kahit bigyan pa siya ng emergency powers.
Ayon sa Pangulo, hindi na kakayanin pa na matapos ang anomang proyekto sa EDSA kung ngayon pa lang ito sisimulan.
Sinabi ng Pangulo na pag-upo niya sa Palasyo ay agad na siyang sinabihan ng mga economic managers na kailangan ng maraming pondo para maayos ang dating highway 44 pero inintriga na ng ilang mga senador sa pagsasabing makukurakot lang ang pera sa pagsasaayos sa EDSA.
“Alam mo, ganito. Nandiyan man sila ano. Six years ago na-Presidente ako. Sabi ng mga economic planners ko, “You would need money to fix EDSA.” EDSA was really... It’s... Nung pag-ano pa lang --- pag-mention pa lang doon mga senador nagsabi, “Ah, malaking pera ‘yan. Makurakot lang ‘yan.” Narinig ko. Eh ‘di sabi ko, “Huwag na. Sige na. Let EDSA rot.” P***** i** kayo. Sige,” wika pa ng Pangulo kamakalawa ng gabi.
Sabi pa ng Pangulo, huli na ang lahat kahit ipagkaloob sa kanya ngayon ang emergency powers gayung tiyak na mabibitin lang at hindi na matatapos ang proyekto sa ilalim ng kanyang administrasyon.
“Two years na lang. Anong magagawa ko sa two years? Mag-iiwan ako ng mga projects na hindi talaga matapos. Ang gestation period lang sa papel, it’s about six months. P***** i** itong gobyernong ito ganito kahina eh. So pagdating niyan, mag-alis ako, puro naumpisahan, sabihin ng mga tao, sabihin ng mga kalaban mo, “O tingnan mo Duterte, umalis. Tignan mo ‘yung mga projects, iniwan,” dagdag pa ng Pangulo.
Nasisiguro din ng Palasyo na gagamiting bala ito ng kanyang mga kritiko ito upang mapulaan at palabasing may iniwan siyang tenggang proyekto sa pagtatapos ng kanyang termino.