MANILA, Philippines — Naidokumento na ng Department of Health ang pinakaunang kaso ng "electronic-cigarette or vaping product use associated lung injury" o EVALI.
Ang unang pinaghihinalaang kaso ng EVALI ay mula sa 16-anyos na babae mula Central Visayas na nagsimulang gumamit nito noong Marso 2019.
Isinusulong ngayon ng DOH ang tuluyang pagbabawal sa e-cigarettes, o "vape," matapos sabihin na na-eeexpose ang mga tao sa banta sa kalusugan.
Sa ulat ng ANC, nakikipag-ugnayan na ang DOH at Food and Drug Administration sa attending physician mula sa Region VII upang malaman ang mga karagdagang detalye sa kaso.
Ayon kay Health Undersecretary Eric Domingo, nasa 1% Pilipino na raw ang gumagamit ng vape.
Ilang bahagi na ng Estados Unidos ang nagbawal na o nag-regula rito, matapos mamatay ang 39 katao mula sa vaping-related lung illnesses.
Nitong Martes, matatandaang sinertipikahan na bilang "urgent" ni Pangulong Rodrigo Duterte ang panibagong panukala na magpataw ng panibagong excise tax sa mga vape, sigarilyo at alak "alang-alang sa kalusugan ng publiko," at para makalikom ng karagdagang pondo para sa Universal Health Care Act.
Ngayong Nobyembre, sinimulan na ring ipagbawal ng Lungsod ng Pasay ang paggamit ng vape sa pampublikong lugar. — James Relativo at may mga ulat mula kina Gaea Katreena Cabico, The STAR/Sheila Crisostomo
Antabayanan ang mga karagdagang detalye sa balitang ito.