MANILA, Philippines — Muling binalaan ng pamahalaan ng Pilipinas ang mga Pilipino sa Hong Kong na lubahang mag-ingat sa pagpapatuloy ng malawakang mga protesta sa roon laban sa diumano'y panghihimasok ng mainland China sa teritoryo.
Inilabas ng Philippine Consulate General roon ang panibagong anunsyo Miyerkules ng hapon "[d]ahil sa biglaang mga demonstrasyon na kasalukuyang idinaraos nang walang naunang abiso na dahilan ng pagkaantala ng mga pampublikong transportasyon."
Dahil dito, pinapayuhan ang lahat na iwasan ang mga lugar na pinagdarausan ng kilos-protesta, at manatili na lamang sa bahay.
Kung hindi raw maiiwasan ang paglabas, sinabi ng konsulado na "maging lubhang alerto, mapagmatyag, at planuhing mabuti ang paglalakbay."
"Huwag ding magsuot ng itim o puti na pang-itaas na kasuotan," sabi pa nila, upang maiwasan na mapagkamalang kasama sa mga protesta.
Matatandaang inaresto ang isang manggagawang Pilipino sa Mong Kok, Hong Kong noong Agosto matapos mag-suot ng itim na damit, bagama't hindi naman daw siya bahagi ng mobilisasyon.
Noong Oktubre, binalaan na rin ng Department of Labor and Employment ang mga Pilipino sa semi-autonomous region sa Tsina patungkol sa mga kilos protesta roon.
Maaaring tumawag sa PCG Hong Kong hotline ang sinuman sa oras ng kagipitan sa (+852)9155-4023.