Koreano na dumating sa bansa inaalam kung si Johnson Lee
MANILA,Philippines — Nagsasagawa pa rin ng beripikasyon ang Bureau of Immigration (BI) sa tunay na pagkatao o pagkakakilanlan ng Korean national na dumating sa bansa at ang pinaniniwalaang drug lord na umano’y pinakawalan ng mga “ninja cops” na nagsagawa ng drug raid sa Pampanga noong 2013.
Ayon kay Justice Undersecretary Markk Perete, ang Korean national na kinilalang si Kim Yu Seok ay dumating sa bansa noong Setyembre 30 at walang record na umalis sa data base ng Bureau of Immigration.
Una rito, bagamat wala pang kumpirmasyon, may hinala ang DoJ na ang dumating sa bansa na si Kim Yu Seok at ang sinasabing drug lord na si Johnson Lee na target ng police drug raid sa Pampanga ay posible umanong iisa lamang.
Batay sa passport number na gamit umano ni Kim Yu Seok at ibinigay ng Korean Embassy, lumalabas na ito nga ay bumiyahe sa Pilipinas noong September 30.
Nauna nang sinabi ni Sen. Richard Gordon na mahalaga umano na matunton ng mga awtoridad ang kinaroroonan ni Lee sakaling ito ay nasa Pilipinas pa.
Itinuturing na ang nasabing dayuhan ang magiging susi sa kung ano ang totoong nangyari sa operasyon ng mga pulis sa Pampanga noong 2013.
- Latest