MANILA, Philippines — Mahigpit na binabantayan ngayon ng Department of Foreign Affairs, sa pamamagitan ng Embahada ng Pilipinas sa Tokyo, ang mga pinakabagong balita patungol sa Super Typhoon Hagibis kasunod ng napipinto nitong pagsalpok sa mga karatig bansa na may mga Pilipino.
Tinutumbok kasi ngayon ng pinakamalakas na bagyo sa planeta ang Japan at nakikitang tatama roon ngayong weekend.
"Hinihiling ng embahada sa mga Pilipino sa Japan na maging maingat lalo na't malaki ang posibilidad na magkaroon ng malalakas na pagbuhos ng ulan, malalakas na hangin, matataas na alon at daluyong," ayon sa DFA sa isang pahayag sa Inggles.
"[I]wasang pumunta sa mga nakikitang lugar na maaaring maapektuhan hanggang sa tuluyan nang malusaw ang typhoon."
Una nang itinala ng Japan Meteorological Agency ang bagyong Hagibis bilang isang "violent typhoon," na siyang pinakamataas na kategroya ng bagyo sa typhoon scale ng mga Hapon.
Mapalad na nakaligtas sa hagupit ni "Hagibis" ang Pilipinas ngayong linggo matapos tuluyang hindi makapasok sa Philippine area of responsibility ang bagyo.
"Inaabisuhan din ang publiko na maging mapagmatyag at regular na antabayanan ang balita't anunsyo ng Japanese government at JMA," dagdag ng ahensya.
Kaugnay nito, ikinansela na ang sari-saring domestic flights ng Japan Airlines at All Nippon Airways simula ngayong araw, ika-11 ng Oktubre.
Hindi rin malayong suspendihin ang mga operasyon ng tren sa greater Tokyo area kung hindi magbabago ang forecast sa bagyo.
Para sa mga Pilipinong mangangailangan ng tulong, maaaring abutin ang embahada sa mga hotline na +81 80 4928 7979/ +81 80 7000 7979.