Hindi pa registered voter? 2 araw na lang bago ang deadline

"Bukas ang huling Sabado ng voter registration habang ang huling araw ay sa Lunes, kung kaya't inaasahan ang pagdagsa ng mga magpaparehistro," wika ni Jimenez.
The STAR/Edd Gumban, File

MANILA, Philippines — Kaunting panahon na lang ang nalalabi para sa pagpaparehistro ng mga botante, kaya ang Commission on Elections, sinamantala na ang pagkakataon upang hikayatin ang lahat upang makalahok sa demokratikong proseso ng eleksyon.

Ayon kay COMELEC spokesperson James Jimenez, huling araw na kasi ng papaparehistro sa ika-30 ng Setyembre — tatlong araw mula ngayon.

"Bukas ang huling Sabado ng voter registration habang ang huling araw ay sa Lunes, kung kaya't inaasahan ang pagdagsa ng mga magpaparehistro," wika ni Jimenez.

Alinsunod sa Section 6 ng COMELEC Resolution 10549, ipatutupad ang mga sumusunod sa huling araw ng pagpaparehistro:

  1. Kung may mga aplikante pang nakapila sa loob ng 30-metrong radius mula sa Office of the Election Officer pagsapit ng 3:00 p.m. ng Lunes, agaran at sunod-sunod na ililista ang kanilang mga pangalan
  2. Tatlong beses lang iaanunsyo ang pangalan ng mga aplikanteng nakalista. Hindi na maihahain ang kanilang aplikasyon kung hindi sila sumipot matapos tawagin.
  3. Kung naroon ang aplikante oras na tawagin, iproproseso ito at kukunin ang kanyang biometrics. Magpapatuloy ito hanggang matapos ang lahat ng nailista.

Pero paano ang may mga kapansanan, matatanda at buntis na aplikante?

May "express lane" na ilalaan ang COMELEC para sa espesyal na kalagayan ng mga nabanggit.

"Inaasahan na ito ng COMELEC, at panatag kami na kayang i-handle ng mga empleyado namin ang last-day registration scenario," dagdag ng tagapagsalita.

Malapit nang umabot sa tatlong milyon ang nag-aapply para maging botante simula ika-1 ng Agosto hanggang noong ika-21 ng Setyembre.

Sa mga nais maging botante, marapat lang na magdala ng kahit isang valid ID sa OEO ng inyong lungsod o munisipalidad, o anumang satellite registration center ang sumusunod, kung saan nila layong bumoto.

Inilinaw din ng COMELEC na hindi tatanggapin bilang ID ang mga cedula at police clearance.

Mainam din na magdala ng mga sumusunod na dokumento para ang mga taong nais itama ang kanilang mga pangalan, kaarawan, lugar ng kapanganakan o iba pang typographical errors sa record:

  • Birth certificate
  • Court order
  • Order of the Civil Registrar
  • Atbp.

Para sa mga nagbago ng pangalan dahil sa kasal, annulment, pagiging void ng kasal, court order o dahil iniutos ng Civil Registrar o Consul General, magdala ng:

  • Sertipikasyon ng solemnizing officer
  • Marriage contract
  • Court order na may kasamang certificate of finality
  • Order ng Civil Registrar o Consul General

Dalhin ang original at photocopy ng mga nasabing dokumento pagpunta sa mga OEO o satellite registration site.

Show comments