House probe sa hazing ikinasa
MANILA, Philippines — Pinaiimbestigahan na ng ilang kongresista ang kaso ng pagkamatay sa hazing ni 4th Class Cadet Darwin Dormitorio sa loob ng Philippine Military Academy (PMA).
Sa inihaing magkakahiwalay na resolusyon nina Ako Bicol Rep. Alfredo Garbin at ACT-CIS Reps. Nina Taduran, Eric Yap at Josephine Tulfo, nais nila na imbestigahan “in aid of legislation” ang pagkamatay ni Dormitorio dahil sa hazing.
Partikular na pinasisilip ni Garbin, na isa ring may-akda ng Anti-Hazing Act of 2018”, ang umiiral na protocols sa PMA at sa PMA Cadet Corps.
Giit ng kongresista resulta aniya ng pagkamatay ni Dormitorio ay patunay ng kawalan ng ‘humanity’ sa mga kadete.
Para naman kay Taduran, nais nilang alamin kung bakit hinahayaan ng mga opisyal ng PMA na manatili sa kultura nila ang hazing.
Samantala, nagpahayag ng paniniwala si Sen. Panfilo Lacson na hindi na kailangan ng panibagong pagdinig ng Senado sa isyu ng pagkamatay ni Dormitorio.
Ayon kay Sen. Lacson, hindi kailangan ng bagong batas o amyenda kundi angkop na implimentasyon na lamang ng batas.
Una nang ikinadismaya ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri ang pangyayari dahil hindi pa raw halos makabangon ang mga anti-hazing groups sa pagkamatay noon ni Atio Castillo at iba pang biktima ng pagpapahirap.
Sa hiwalay na panayam, tiniyak ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año na walang magaganap na whitewash sa imbestigasyon ng Philippine National Police sa pagkamatay sa hazing ni Dormitorio noong Setyembre 18.
Nabatid na si Dormitorio ay pamangkin ng misis ni Año.
Si Dormitorio ay una nang dumaing ng matinding pananakit ng tiyan noong Setyembre 18 ng dakong ala-1 ng madaling araw at binawian ng buhay bandang alas-5:15 ng umaga kung saan idineklara ng PMA Hospital na namatay ito sa ‘cardiac arrest secondary to internal hemorrhage’.
Nabatid na ang nasabing kadete ay tatlong beses na nagpabalikbalik sa PMA Hospital kung saan noong una ay “Urinary Track Infection’ ang sinasabing sakit nito.
Lumilitaw pa sa inisyal na imbestigasyon ng PNP Baguio, ayon sa Kalihim na napag-initan ng kaniyang mga Upper classmen si Dormitorio.
“Titingnan yan hindi lang sa PMA authorities kung hindi sa Cadet core or cadet officer core meron yan Squad leader, Company commander, Battalion Commander, titingnan yung kung anong lapses yan papasok yan sa command responsibility”, anang Kalihim.
- Latest