MANILA, Philippines (Update 2, 1:56 p.m.) — Hazing, o pisikal na pananakit kalakip ng "rite of passage," ang ikinamatay ng 20-anyos na kadete ng Philippine Military Academy noong Miyerkules, ayon sa mga opisyal ng paaralan.
"Blunt-force trauma" raw kasi ang dahilan ng pagkamatay ni Cadet Fourth Class Darwin Dormitorio noong ika-18 ng Setyembre, ayon sa resultang inilabas ng medico legal.
JUST IN | Kinumpirma ng medico-legal officer ng Baguio PNP na hazing ang ikinamatay ni PMA Cadet 4th Class Darwin Dormitorio.
Mayroon na ring tatlong persons of interest ang mga otoridad. @News5AKSYON @onenewsph— JC Cosico (@JCCosico) September 20, 2019
Tatlong persons of interest na rin ang tinitignan ng mga otoridad kaugnay ng krimen.
Una nang inimbitahan ng PMA ang Philippine National Police Scene of the Crime Operatives at National Bureau of Investigation upang maimbestigahan ang pagkamatay ni Dormitorio.
Sinasabing nagreklamo ng pananakit ng tiyan at nagsuka muna ang binata bago bawian ng buhay sa loob ng barracks ng Fort Del Pilas sa Lungsod ng Banguio.
Ipinagbabawal ng Republic Act 11053 ang hazing, na karaniwang nangyayari sa mga organisasyon, fraternity at sorrority.
Kontrobersyal ito, lalo na sa loob ng mga unibersidad, dahil sa mahabang listahan ng mga namatay na dahil dito.
Ang naturang gawi ay ipinagbabawal din bilang parte ng military training.
Pagkundena sa insidente
Sa gitna ng pagbuhos ng pakikiramay, umani rin ito ng pagbatikos mula sa iba't ibang sektor.
"[We] vehemently condemn the continued hazing in the Philippine Military Academy as Baguio PNP Medico-Legal confirmed earlier that his death was due to hazing," wika ni Kabataan Rep. Sarah Elago sa isang pahayag.
Ayon sa PNP, 20 kadete na ang kinakapanayam bilang potensyal na saksi.
Kilala rin ang ama ni Dormitorio bilang retiradong military colonel.
"The investigation should shed light on why a healthy and fit 20-year old who passed PMA’s strict requirements died due to 'cardiac arrest secondary to internal hemorrhage' after less than two months as a PMA cadet," dagdag pa ng mambabatas.
Sasangguni rin daw si Elago kina Cagayan de Oro Reps. Rolando Uy at Rufus Rodriguez kung ano ang magagawa ng Kongreso upang parangalan si Dormitorio at ang kanyang pamilya.
"Tayo ay makikiisa sa pagkundena sa hazing at panawagan ng hustisya," kanyang panapos.