MANILA, Philippines — Nakikipag-ugnayan na ngayon ang Philippine Military Academy sa Philippine National Police Scene of the Crime Operatives at National Bureau of Investigation upang masilip ang tunay na sanhi ng pagkamatay ng isang kadete ng kanilang eskwelahan nitong Miyerkules.
"Inimbitahan na ang PNP [SOCO] at National Bureau of Investigation para siguruhing patas, obhetibo at transparent ang imbestigasyon," sabi ni Major Reynan Afan, acting chief ng PMA public affairs office, sa isang pahayag sa Inggles.
Sa ulat ng ABS-CBN kagabi, sinabing nagsuka si Cadet Fourth Class Darwin Dormitorio bago bawian ng buhay sa loob ng barracks ng Fort Del Pilar sa Lungsod ng Baguio.
Nagreklamo pa raw si Dormitorio na sumasakit ang kanyang tiyan bago mamatay.
"Ipaaabot ng PMA ang anumang kinakailangang suporta sa kanyang pamilya," dadag ni Afan.
Nasa 20 taong-gulang si Dormitorio at nagmula sa Cagayan de Oro.
Muli namang nanawagan ang eskwelahan na respetuhin ang privacy ng kanilang pamilya't komunidad upang ipagluksa si Dormitorio.
Hazing ba talaga?
Una nang lumabas sa mga news report na posibleng "hazing" ang ikinamatay ni Dormitorio.
"Mukhang hazing ang sanhi ng kanyang ikinasawi," sabi diumano ni Afan sa ilang balita ngayong umaga.
Lumalabas din sa military at police reports na "cardiac arrest secondary to internal hemmorrhage" ang ikinamatay ng binata.
Sa kabila nito, tiniyak ng PMA na isinasang-alang-alang nila ang "kapakanan ng bawat kadete sa bawat aspeto ng pag-aaral at pagsasanay."
"Gumugulong pa rin ang imbestigasyon upang alamin ang dahilan at detalye ng kanyang kamatayan," ani Afan sa hiwalay na statement.
Matatandaang nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Anti-Hazing Act of 2018, Hunyo noong nakaraang taon.
Sa naturang Republic Act 11053, ipinagbabawal ang pisikal at sikolohikal na pananakit bilang bahagi ng pagrerekulta sa mga school organizations, fraternities, sorrorities at community-based organization.
Ipinagbabawal din ito sa military training, ngunit pinapayagan ang physical, mental at psychological testing basta't hindi ito itinuturing na hazing.
Ang PMA ang primaryang training at educational institution ng Armed Forces of the Philippines.