‘Drug lords na nagpapaospital kahit walang sakit, lasunin’ - Go

Ayon kay Go, hindi dextrose na nagpapaga­ling ang dapat isaksak sa mga drug lords na umiiwas sa kulong at sa halip ay lason para diretso ang mga ito sa morgue.
Bong Go FB Page/File

MANILA, Philippines — Kung si Senator Christopher Lawrence “Bong” Go ang masusunod, nais niyang saksakan ng lason ang suwero o IV drip ng mga drug lords na umiiwas sa loob ng kulungan at sa halip ay nagpapa-confine sa ospital kahit walang sakit.

Ayon kay Go, hindi dextrose na nagpapaga­ling ang dapat isaksak sa mga drug lords na umiiwas sa kulong at sa halip ay lason para diretso ang mga ito sa morgue.

“Sa susunod sasaksakan na namin ang mga dextrose niyo, kayong mga drug lord ha ‘pag nagpa-admit pa kayo diyan sa loob ng ospital kahit wala kayong sakit, ‘pag nalaman namin na wala kayong sakit, hindi dextrose na pampaga­ling ang isaksak namin sa inyo, saksakan namin ng hilo,’ di na kayo makalabas sa ospital, morgue na kayo,” sabi ni Go.

Matatandaan na si Go ang nagbunyag ng “hospital pass for sale” na nangyayari sa loob ng New Bilibid Prison (NBP) na pinapayagang manatili sa ospital ang mga drug convicts sa halip na sa loob ng bilangguan.

Nauna nang sinabi ni Go sa pagdinig ng Senado na dapat managot ang mga doktor at iba pang hospital staff na mapapatunayang sangkot sa “hospital pass for sale.”

Naibulalas ng senador ang sentimyentong ito dahil na rin sa mga rebelas­yon sa pagdinig ng Senate blue ribbon committee noong Huwebes na sinasamantala ng mga drug lord ang “hospital pass for sale” scheme upang mamuhay nang maginhawa at maipagpatuloy ang kanilang negosyong droga sa loob ng NBP Hospital.

Para kay Go, dapat na magkaroon ng hustis­ya sa nabulgar na corrup­tion scandals at mga anomal­ya sa pambansang piitan.

Show comments