Marikina River susuriin sa 'swine fever' contamination

Umabot sa 40 bangkay ng baboy kasi ang natagpuang palutang-lutang sa ilog kahapon kasunod ng pagpasok ng African Swine Fever sa Pilipinas.
Philstar.com/Jonathan de Santos

MANILA, Philippines — Nais panagutin ni Marikina Mayor Marcelino Teodoro ang mga responsable sa likod ng pagtatambak ng sari-saring labi ng baboy sa Ilog ng Marikina kamakailan.

Umabot sa 40 bangkay ng baboy kasi ang natagpuang palutang-lutang sa ilog kahapon kasunod ng pagpasok ng African Swine Fever sa Pilipinas.

"Inutos ko nang kunin ito upang masuri kung namatay ang mga nabanggit sa African Swine [Fever]," ani Teodoro sa Inggles ngayong araw.

Ang mga nabanggit ay inilibing 10-feet mula sa lupa upang mapigilan ang posibleng pagkalat ng sakit. 

"We're checking if may river contamination. We are checking the water quality para mapangalagaan ang well-being ng Marikina residents," dagdag niya.

Maliban sa mga namataan kahapon, isa pang patay na baboy ang natagpuan kaninang alas-11 ng umaga sa Baranggay Nangka. Hindi pa ito nagsisimulang mamaga.

Ika-9 ng Setyembre nang kumpirmahin ng Department of Agriculture na ASF ang ikinamatay ng sari-saring baboy mula Rizal at Bucalan, ayon sa laboratory test na isinagawa pa sa United Kingdom.

Ang Marikina ay katabi lang ng Rizal at dati ring bahagi ng nasabing lalawigan bago pa maging sakop ng Kamaynilaan.

Ayon kay Dr. Manuel Carlos, hepe ng Veterinary Sevices Office, tinawagan na nila ang Bureau of Animal Industry upang ipasusuri ang dugo ng mga ito — bagay na aabutin ng ilang araw bago magkaresulta. Tanging BAI ang may kapasidad para i-test ang mga nabanggit. 

"Ang katawan ng hayop ay nagiging breeding ground ng bacteria or virus, maraming klaseng sakit ang puwedeng makuha in case ma-contaminate ang water. Kaya kinukuha natin agad ang mga patay na baboy ay para hindi na kumalat ang mga sakit," ani Carlos.

Ipagbabawal muna ng alkalde ang pangingisda at iba pang aktibidades sa Ilog ng Marikina habang sinusuri pa. Nangyayari ang lahat nang ito kahit na walang babuyan at katayan sa Lungsod ng Marikina.

Ilang araw pa lang ang nakalilipas nang sabihin ng DA na nakontrol na nila ang sakit.

Tao hindi mahahawa pero...

Ang ASF, na isang sakit ng baboy, ay lubhang nakamamatay at nagtatala ng 100% mortality rate.

"Sobrang nakahahawa ito sa kapwa baboy, hindi sa tao. Hindi siya zoonotic, meaning hindi ito transmittable sa tao kundi sa baboy sa baboy. 100 percent mortality," sabi ng city veterinary.

Pero kahit na hindi ito nakasasama sa kalusugan ng tao, sinasabi ng DA na may kapasidad pa rin ang mga nabanggit na dalhin ang virus.

"Oras na malapit ka riyan [sa virus] at pumunta ka sa babuyan, agad-agad na kumakalat ang pathogen," ani Agriculture Secretary William Dar.

Una nang tiniyak ng Department of Health at DA na hindi nakahahawa sa tao ang ASF.

Naglaan na ng P82.5 milyong pondo ang Department of Budget and Management upang mapigilan ang pagkalat nito. Gagastusin ito sa sumusunod na paraan:

  • detection ng karne sa mga airport (P31.8 milyon)
  • testing ng meat products (P27.7 milyon) 
  • paniniktik at monitoring (P17.6 milyon)
  • awareness campaign at capacity building (P5.4 milyon)

Pananagutan sa pagtatapon

Tiniyak ng lokal na gobyerno na hahabulin nila ang may kagagawan tungkol sa nabanggit na kababuyan.

Kaugnay nito, isang "search party" na raw ang kanilang inilulunsad sa tubig at lupa upang ma-trace ang pinagmulan ng mga bangkay.

"Para hindi na maulit, dapat ay may managot. Dapat proper disposal," paliwanag ni Teodoro sa isang pahayag.

Ayon kay Teodoro, ilang netizens na raw kasi ang nagpapadala sa kanya ng litrato ng mga mabababaw na pinaglibingan ng baboy na posibleng inanod daw papuntang Marikina River nang umulan.

"Hindi puwedeng walang mananagot, dapat may managot."

Show comments