'Jenny' naging tropical storm uli; 2 patay habang papalabas ng PAR

Sa ngayon, dalawa na ang patay habang dalawa pa ang sugatan sa Pasuquin at Laoag City, Ilocos Norte.
Released/Pagasa

MANILA, Philippines — Humina na, lumakas pa uli — ganyan isinalarawan ng PAGASA ang bagyong Jenny habang papalabas ng Philippine area of responsibility, Miyerkules ng umaga.

Matapos kasing ibaba sa pagiging tropical depression ay muli itong naging tropical storm kaninag alas-otso ng umaga.

Huling natagpuan ang sama ng panahon 290 kilometro kanluran ng Sinait, Ilocos Sur kaninang alas-diyes ng umaga at kumikilos pa-kanluran hilagang kanluran sa bilis na 40 kilometro kada oras.

Tinatayang lalabas ng PAR ang bagyo sa pagitan ng alas-onse ng umaga at alas-dos ng hapon.

Wala na ring tropical cyclone wind signal na nakataas sa ngayon.

Meron pa rin itong maximum sustained winds na aabot ng 65 kilometro kada oras malapit sa gitna at pabugsu-bugsong hangin na aabot ng 80 kilometro kada oras.

Nasawi, pinsala ng bagyo

Ayon sa huling update ng National Disaster Risk Reduction and management Council alas-sais ng umaga, 14,655 pamilya, 61,528 katao ang naapektuhan ng bagyong Jenny sa Region I, II at III.

Sa ngayon, dalawa na ang patay habang dalawa pa ang sugatan sa Pasuquin at Laoag City, Ilocos Norte.

Umabot na sa 726 pamilya ang nasa 53 evacuation centers habang 116 pamilya naman ang pinagsisilbihan sa labas ng mga EC.

Lumalabas na 68 kabahayan naman ang sinasabing nasira mula sa pagragasa ng bagyo, kung saan 24 ang wasak na wasak habang 45 naman ang bahagyang napinsala.

Naitala ang mga nasabing pinsala sa imprastruktura sa Ilocos Norte at La Union.

Habagat binabantayan

Bagama't wala nang signal warning, makararanas pa rin ng mahihina hanggang katamtaman at paminsan-minsang malalakas na pag-ulan dahil sa southwest monsoon o Hanging Habagat:

  • Western Visayas
  • mga probinsya ng Mindoro
  • Romblon
  • Palawan (kasama ang Calamian at Cuyo Islands) 
  • Zamboanga Peninsula

"Over here in Metro Manila at kalapit po na lugar, asahang magiging maulap pa rin ang kaulapan natin at meron ding mga possible light to moderate rains sa hapon," wika ni Benison Estareja, weather specialist ng PAGASA.

Magkakaroon din ng kalat-kalat na pag-ulan sa Bangsamoro, Ilocos Region, Zambales at Bataan.

Show comments