MANILA, Philippines — Patay ang dalawa katao Miyerkules ng umaga matapos tupukin ng apoy ang isang roll on, roll off na barko bago makarating sa kanilang paroroonan sa Dapitan City, Zamboanga del Norte.
Umabot sa 102 ang na-rescue, isa rito wala pang malay alas-otso ng umaga, matapos magliyab ang MV Lite Ferry 16 bandang hatinggabi.
Nasunog ito 1.5 nautical miles mula sa Pulauan Port, Dapitan, ayon sa Philippine Coast Guard.
"Nasusunog na barko! Tumigil ang aming ferry para subukang sumaklolo," sabi ni Allan Barredo sa Inggles sa Facebook kaninang umaga.
Nakapag-post pa siya ng video ng paglapit ng kanilang barko sa nasusunog na ferry.
Ulat ng The Freeman, nagmula ang vessel sa Samboan wharf sa Cebu at patungo sana ng Dapitan.
Lulan nito ang 136 pasahero at 38 crew members at kadete. Natapos ang rescue operations sa loob ng apat na oras.
"Walang Coast Guard. Isipin mo 'yon, 40 minuto lang kami mula sa Dapitan," dagdag ni Barredo sa kanyang social media post.