Police state?: P8-bilyong 'surveillance budget' para sa 2020 kwinestyon
MANILA, Philippines — Ipinasisilip ngayon ng isang mambabatas ang panukalang P8.28 bilyong pondo na gagamitin sa diumano para sa "paniniktik" ng gobyerno sa 2020.
Pangamba ni House Deputy Minority Leader Carlos Zarate (Bayan Muna party-list), itratransporma nito ang bansa sa pagiging police o military state.
"Kailangang masilip nang husto ang panukalang national budget, lalo na't banta sa karapatang pantao ang surveillance budget," wika ni Zarate sa isang pahayag Biyernes sa Inggles.
Ibinatay nila ito sa panukalang P4.1-trilyong national budget na isinumite ng Department of Budget and Management sa Kongreso para sa taong 2020 na inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte at kanyang Gabinete.
Ayon kay Zarate, gagamitin ang intelligence at confidential expenses sa nasabing Budget of Expenditures and Sources of Financing, na kalakip ng National Expenditure Program, para sa surveillance.
Ipinagtanggol naman ni presidential spokesperson Salvador Panelo ang paglobo ng pondo.
"Mahirap magtanggol ng bansa... kailangan mo ng pera, tao, makina at teknolohiya. Malaking pera ang kakailanganin," ani Panelo sa isang press briefing.
"Hindi ko alam eksakto ang dahilan, pero kung tatanungin mo ako, gagamitin ko ang sentido de komon ko at sasabihing kailangan ng pera kung gusto mong tiyakin ang seguridad ng bansa."
P4.5 bilyon para sa OP
Sa P8.28 bilyon, sinasabing P4,786,652,000 ang ilalaan ng administrasyong Duterte sa gastusing intelligence.
Mas mataas ito nang bahagya sa inilaan noong 2019.
Sa halagang ito, P4.5 bilyong pera para sa paniniktik ang mapupunta sa Office of the President: P2.25 bilyon para sa intelligence funds at isa pang P2.25 bilyon para sa confidential funds.
"Ang [OP] ang isa sa mahuhusay na tanggapang kayang magsiguro sa security ng bansa," sabi ni Panelo nang tanungin kung bakit hindi ito idiniretso sa Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police.
Tiniyak naman ng Palasyo na iingatan nila ang P4.1 trilyong pera at gagamitin ito nang maayos.
Pondong paniktik sa mga departamento
Maliban sa pondong planong igugol sa OP, makatatanggap din ng intelligence funds ang iba pang ahensya ng pamahalaan.
- Department of Interior and Local Government-Philippine National Police (P 806.02 milyon)
- Department of National Defense-Armed Forces of the Philippines (P1.70 bilyon
- Department of Trnsportation, na may hawak sa Philippine Coast Guard (P10 milyon)
- iba pang executive offices (P590 milyon)
Hahatiin naman ang intelligence funds ng DND-AFP sa ganitong paraan:
- Office of the Secretary (P10 milyon)
- Philippine Army (P444 milyon)
- Philippine Air Force (P17 milyon)
- Philippine Navy (P39.7 milyon)
- General Headquarters (P1.18 bilyon)
Plano namang gumastos ng gobyerno ng P3,497,132,000 para sa confidential expenses, na mas mataas inilaan noong 2018 at 2019.
Narito ang mga confidential funds sa mga ahensya:
- Department of Environment and Natural Resources (P13.95 milyon)
- Department of Foreign Affairs (P50 milyon)
- DILG (P80.6 milyon)
- Department of Justice, kasama ang Bureau of Immigration at National Bureau of Investigation (P357.64 milyon)
- DND (P23 milyon)
- DOTr kasama ang PCG (P6.67 milyon)
- Commission on Audit (P10 milyon)
- Ombudsman (P33.7 milyon)
- Commission on Human Rights (P1 milyon)
Para sa HSA, anti-subversion law?
Duda naman si Zarate sa tunay na layunin ng pagdagdag ng mga nabanggit na pondo.
Sabi ng kinatawan ng Bayan Muna, ginagawa ito kasabay ng itinutulak na pag-amyenda sa Human Security Act, anti-subversion law at militarisasyon ng mga kampus.
"De facto martial law sa buong bansa ang mangyayari sa atin nito," sabi ng Davao-based solon.
Sa nais amyendahan na HSA, gusto raw ng administrasyon na ipiit ang mga pinaghihinalaang terorista ng hanggang 60 na araw kahit walang kaso at pagpapatagal ng wire tapping sa mga suspek sa hanggang dalawang buwan.
"Gusto rin nilang ibaba sa P500,000 kada araw ang multa para sa wrongful arrest. Sa paglala ng human rights sa bansa, pwedeng damputin na lang ng PNP at AFP ang sinuman kung makuha nila ang amendments na ito," sabi pa ni Zarate.
- Latest