Meron bang 'heinous crime' sa ngayon? SC nagpaliwanag
MANILA, Philippines — Matapos dumistansya ng Korte Suprema sa posibleng paglaya ng isang convicted rapist-murderer, naungkat ngayong Biyernes kung meron nga umiiral na pakahulugan sa "heinous" o karumal-dumal na krimen sa ngayon.
Sa Republic Act 10592 kasi, na gagamitin para malaman kung makalalaya si ex-Calauan Mayor Antonio Sanchez, sinasabing hindi eligible para sa pinalawig na good conduct time allowance ang mga napatunayang gumawa ng "heinous crimes."
"[R]ecidivists, habitual delinquents, escapees and persons charged with heinous crimes are excluded from the coverage of this Act."
Binabawasan ng GCTA ang sintensyang ipinapataw sa isang krimal kaugnay ng mabuting asal na ipinamalas sa loob ng kulungan.
Kung sa lagay ni Sanchez, humaharap siya sa pitong counts ng reclusion perpetua (hanggang 40 taong pagkakakulong) dahil sa panghahalay at pagkamatay nina Eileen Sarmenta at Allan Gomez, mga estudyante ng UP Baños, noong 1993.
Pinarusahan din siya ng karagdagang dalawang reclusion perpetua para sa isa pang murder case taong 1999, kung kaya't 360 taong pagkakakulong ang kanyang hinaharap. Ayon sa Revised Penal Code, sabay-sabay na sine-serve ng nahatulan ang kanyang sentensya at hindi siya maaring lumagpas ng 40 na taon sa piitan.
Walang 'heinous crime' sa ngayon
Isinalarawan sa RA 7659, o death penalty law, ang pakahulugan ng heinous crime, na noo'y pinarurusahan ng kamatayan.
"[T]heir inherent or manifest wickedness, viciousness, atrocity and perversity are repugnant and outrageous to the common standards and norms of decency and morality in a just, civilized and ordered society."
Ilan sa mga heinous crimes na dating pwedeng patawan ng bitay ay ang:
- treason
- qualified piracy
- murder
- kidnapping and serious illegal detention
- rape na ginawa gamit ang deadly weapon
- panghahalay ng dalawa pataas na katao at pagkamatay (homicide) ng biktima dahil dito
- atbp.
Sa kaso ni Sanchez, napatunayan ang kanilang paggamit ng baril at pagkamatay ng biktima habang siya'y gina-gang rape, na pasok sa lumang depenisyon ng heinous crime.
Gayunpaman, na-repeal at na-amyendahan ang RA 8177 at RA 7659 taong 2006, dahilan para masuspinde ang pagpapatupad ng bitay.
Simula nito, walang aktibong batas na nagbibigay pakahulugan sa heinous crime sa kasalukuyan.
Depenisyon 'mauuwi sa executive'
Sa isang press conference kanina, sinabi ni Supreme Court spokesperson Brian Hosaka na ilalagay na nila sa kamay ng ehekutibo kung bibigyan ng GCTA ang mga presong gumawa ng karumal-dumal na krimen.
"[T]hat goes into the implementation already of the RA 10592, so perhaps we will just have to wait for that particular branch of government, in this case, the executive, to determine that."
Nang tanungin ng media kung gagamitin ang lumang depenisyon kahit suspendido ang death penalty, eto ang sinabi ni Hosaka: "I would have to defer that to the branch of government who would be determining the good conduct time allowance."
Matatandaang una nang sinabi ni Justice Secretary Menardo Guevarra na hindi sakop ng RA 10592 ang mga gumawa ng heinous crimes.
- Latest