Digong sa foreign vessels: ‘Magpaalam muna bago dumaan sa Philippine waters’

Nakadaong sa Pier 13 ang BRP Conrado Yap (PS-39) na dumating sa bansa galing South Korea. Ang nasabing warship ay kayang tumagal ng 20 araw sa karagatan kaya malaking tulong sa gagawing pagpapatrulya sa maritime waters ng bansa.
Kuha ni KJ Rosales

MANILA, Philippines – Binalaan kahapon ni Pangulong Duterte ang lahat ng foreign vessels na dadaan sa territorial waters ng Pilipinas na dapat magpaalam muna.

Ginawa ng Pangulo ang babala sa gitna ng mga ulat ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na ilang warships ng China ang walang paalam na dumaan sa Sibutu Strait sa Minda­nao malapit sa Tawi-Tawi island at nagpapatay pa ng automatic identification system.

May ulat din na isang Chinese Coast Guard ang namataan kamakailan malapit sa Ayungin Shoal sa West Philippine Sea.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, simula ngayon ay inaabisuhan nila ang lahat ng foreign vessels na magpasabi at kumuha ng clearance sa kaukulang government authority bago ang planong pagdaan sa territorial waters ng Pilipinas.

“To avoid misunderstanding in the future, the President is putting on notice that beginning today, all foreign vessels passing our territorial waters must notify and get clearance from the proper government authority well in advance of the actual passage. Either we get a compliance in a friendly manner or we enforce it in an unfriendly manner,” sabi ni Panelo.

Aniya, ang utos ng Pangulo ay itaboy ang mga foreign vessels na walang pahintulot na pumasok sa territorial waters ng Pilipinas kahit na ito ay mula sa isang kaibigang bansa tulad ng China.         

Pero nilinaw ni Pa­nelo na ang Philippine Coast Guard ang magpapatupad nito at hindi militar.

Show comments