DOLE idiniin ang awtoridad sa working permit ng dayuhan
MANILA, Philippines — Nilinaw ng Department of Labor and Employment (DOLE) na sila lang ang may awtoridad na magbigay ng working permit sa mga dayuhang nais magtrabaho sa Pilipinas.
Ito ay sa gitna ng kalituhan dulot ng kwestyonableng pagdami ng Chinese workers sa bansa.
“Iisa lang naman ang nagbibigay ng permit. Ang Department of Labor (and Employment). Yung binibigay ng Bureau of Immigration, temporary lang yon. Special working permit,” ani Bello.
Pinapayagan umano ng batas na BI ang magbigay ng special working, gayundin yung sa Department of Justice, mayroon din silang kapangyarihan mag-issue ng permit na tinatawag na anti-dummy law.
Sa isang statement kamakailan, sinabi ng Chinese Embassy na iligal sa kanilang bansa ang anumang uri ng pagsusugal.
Pero sa kabila nito, nabatid na lumobo sa higit 100,000 ang bilang ng foreign workers sa mga Philippine offshore gaming operation (POGO) hubs, kung saan karamihan ay mga Chinese.
Samantala, nagpahayag ng paniniwala si Philippine Amusement and Gaming Corporation Chairman Andrea Domingo na hindi banta sa seguridad ng bansa ang (POGO).
Sa Report to the Nation forum ng National Press Club, sinabi ni Domingo na, bilang isang dating intelligence officer at commissioner ng Bureau of Immigration, tiwala siya na hindi banta sa bansa ang pagdami ng mga POGOs na malapit sa mga base militar sa bansa.
Aniya, sa panahon ngayon, ang social media ang nakabantay at hindi na kailangan pa ng napakaraming katao para lamang mag-espiya. Nagkataon lang din na napuwestong malalapit sa strategic locations ang mga nasabing POGOs.
- Latest