MANILA, Philippines — Ibinulgar ni AFP Western Mindanao Command (Westmincom) Commander Lt. Gen. Cirilito Sobejana na limang warship ng China ang namonitor ng militar na pumasok ng walang paalam sa teritoryo ng Pilipinas.
Ayon kay Sobejana, dalawa sa mga warships ay naispatan sa Sibutu Strait noong Hulyo at tatlo pa nitong Agosto.
Hindi ginamit ng mga ito ang Automatic Identification System (IDS) na siyang tutukoy sa mga banyagang barko na nagdaraan sa 200 nautical miles ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng bansa.
Ang Sibutu Strait ay kinikilala bilang pandaigdigang sea lane ng mga dayuhang barko na may karapatan sa ‘innocent passage’ pero iginiit ng opisyal na ang pagpasok ng China sa teritoryo ng Pilipinas ay tila isang pananadya.
“Hindi naman sila hostile but it was not a innoncent passage kasi ang innocent passage straight line lang yun, pagka medyo nagkurba that is no longer considered as innocent passage,” pahayag ni Sobejana.
Nabatid sa opisyal na naispatan ng coastal at aircraft patrol ng Philippine Navy at aircraft ng Philippine Air Force (PAF) ang pagpasok ng walang paalam ng mga Chinese vessels kung saan dali-dali ang mga itong umalis nang maramdaman na may nagmomonitor sa kanila.
Inihayag ni Sobejana na ipinabatid na niya sa higher headquarters ang insidente dahil mandato nila na ipaalam sa nakatataas sa gobyerno kung may mamonitor na mga dayuhang barko na pumapasok ng walang paalam sa katubigan sa teritoryong nasasaklaw ng bansa.
“Parang kanila na yung Sibutu at Balabac Straits, all other warships we are informed of their passing. Only the Chinese refuse to conform to internationally accepted norms by ignoring them,” pag-alma ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na sinabing nabalewala ang pangako ni Chinese Ambassador Zhao Jianhua na ipapaalam sa pamahalaan ang pagpasok at pagdaan ng mga naglalayag na barko ng Chinese Navy sa teritoryo ng bansa.
Sinabi naman ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, malinaw na paglabag ito sa United Nations Convention of the Law of the Sea (UNCLOS) dahil hindi naman maituturing na innocent passage ang ginawa ng mga Chinese warships sa Sibutu Strait.
Aniya, hindi ito gawain ng isang itinuturing na kaibigang-bansa na patagong naglalayag sa karagatan ng Pilipinas na walang pahintulot o permiso mula sa gobyerno. (Dagdag ulat ni Rudy Andal)