NPA recruitment sa mga campus kinumpirma ng rebel returnees

Sumalang sa pagtatanong nina Senators Ronald dela Rosa, Panfilo Lacson at Francis Tolentino ang dalawang dating rebelde na nagkumpirma na may NPA recruitment sa mga eskwelahan sa isinagawang Senate hearing kahapon.

MANILA, Philippines — Kinumpirma ng mga dating rebelde ang nangyayaring recruitment sa loob mismo ng mga eskuwelahan.

Sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng Senate committee on public order and dangerous drugs, ina­min ni Agnes Reano na na-recruit siya ng Alliance of Students Against Tuition Fee Increase noong siya ay 13 taong gulang pa lamang sa Ate­neo de Naga University.

Ayon kay Reano, na-accelerate siya noong elementary kaya kahit 13 anyos pa lang ay nasa kolehiyo na siya.

Naging trabaho umano ni Reano ang pagdadala ng armas mula Naga City papuntang Legazpi kung saan idini-duct tape sa kanya ang mga bala.

“Actually noon hindi ko po alam na pumapasok na ako sa organisasyon. Ang alam ko lang po noon pinapahiram ako ng libro,” sabi niya.

Personal din niyang nasaksihan nang pormal na ilunsad ang League of Filipino Students (LFS) sa Bukidnon noong 1983.

“Kung tatanungin n’yo po ako kung may recruitment sa schools definitely meron kami po ang kongkretong batayan, buhay na ebidensiya na na-recruit ako, naging recruiter ako. Hindi ko po alam kung nasaan yong mga na-recruit ko. Isa pa lang po ang namo-monitor ko pero out of the country na siya,” sabi ni Reano.

Ikinuwento rin nito ang isang nursing student na personal niyang na-recruit at namatay sa engkuwento.

“May na-recruit po ako sa EARIST si Jenive Ramos alias Ka Chay, nursing student taga-Brgy Phase 8 Bagong Silang, Caloocan City, ako po ang nagpasumpa, dinala ko sa Bicol, July 19, 1989, January 9, 1990, patay sa engkuwentro,” salaysay pa ni Reano.

Nang tanungin ni Dela Rosa kung bakit umalis si Reano sa kilusan, sinabi nito na naging malaking kuwestiyon sa kanya ang kanilang ginagawa lalo na ang pangingikil sa mga magsasaka.

“Marami po kasi silang sinasabi sa amin na para sa bayan kailangan po naming humawak ng armas, noong nandoon na kami, para ba ito sa ba­yan? Bakit kailangan naming makikain sa ba­hay ng may bahay? Ma­kikikain kami kakatok kami sa bahay, magandang gabi po makiki-kape man po. Kung walang kape taranta yong maybahay. Walang utang yong dinatnan ko magkaka-utang kasi hindi po squad ang dala ko platoon. At hindi po M16 ang dala ko, 203….kahit ho wala kang kape magpapa-kape ka,” sabi ni Reano.

Bukod kay Reano, pinatunayan rin ng isang alyas Nancy Dologuin na na-recruit siya habang nag-aaral sa Mindanao State University (MSU) sa Marawi City ng LFS sa ila­lim ng Gabriela Women’s group. 

Show comments