Duterte bukas sa pagharang ng 'End of Endo' bill

Ito ay kahit na dalawang araw na lang ang nalalabi bago ito mag-"lapse into law" sa ika-27 ng Hulyo. 
The STAR/Edd Gumban, File

MANILA, Philippines — Hindi pa pinal ang desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte kung pipirmahan ang niya ang "Security of Tenure and End of Endo Act of 2018," ayon sa pahayag ng Malacañang Huwebes.

Ito ay kahit na dalawang araw na lang ang nalalabi bago ito mag-"lapse into law" sa ika-27 ng Hulyo. 

Kahit na wala lagda ng pangulo, maaaring maging batas ang isang panukala kapag hindi ito naaksyunan malipas ang 30 araw ng pagdating sa kanyang tanggapan.

"[T]he president is always open to suggestion (Laging bukas sa mungkahi ang presidente)," sabi ni presidential spokesperson Salvador Panelo sa isang press briefing.

"If he feels that signing the law will [not create] beneficial effects to the major players, he might consider vetoing it. But if he does not feel that way, he will sign that into law. Ganoon naman si presidente eh."

(Kung tingin niya'y makasasama ito sa mga negosyo, baka i-veto niya ito. Pero kung 'di niya ito madama, pipirmahan niya 'yan. Ganoon naman si presidente eh.)

Ito ang kanyang pahayag matapos sabihin ni National Economic and Development Authority Secretary Ernesto Pernia na dis-insentibo ito para sa pagpasok ng pamumuhunan.

"We gave our comments. Essentially there is a need for tweaking to address some of the provisions," ani Pernia.

(Nagbigay na kami ng aming mga komento. Dapat itong baguhin nang bahagya para maresolba ang ilang probisyon.)

Dagdag pa ni Pernia, hindi lang manggagawa ang dapat makinabang dito ngunit pati ang mga negosyante: "[I]f investments are deterred, there will be less job opportunities (Kung matataboy ang mga pamumuhinan, mababawasan ang mga trabaho)."

Sagot naman ni Panelo, pakikinggan ni Duterte ang mga mungkahi ni Pernia.

"If the president feels that the observations of Secretary Pernia is a good reason to vetoing the bill, he will," dagdag ng tagapagsalita.

(Kung sa tingin ng pangulo ay maganda ang obserbasyon ni Pernia upang i-veto ang bill, gagawin niya 'yon.)

Kahit na i-veto, o harangan ito ng presidente, babalik naman daw ito sa Kongreso at maaaring amyendahan. Maaari rin naman daw maghain ng panibagong panukala.

Ano ang meron kung maisabatas?

Sa ilalim ng Senate Bill 1826, na inangkop din ng Kamara at isinumite na sa Palasyo, ikokonsiderang regular na manggagawa ang mga mapatutunayang biktima ng "labor-only contracting."

Nangyayari ito tuwing:

  • nagsisilbing rekruter lang ng manggagawa ang job contractor para sa contractee (kumpanyang pinapasukan) at walang sapat na kapital
  • kung direktang may kinalaman sa "principal business" ng contractee ang ginagawa ng manggagawa
  • may direktang kontrol ang contractee sa supervision ng mga manggagawang ibinigay ng contractor

Papatawan naman ng P5 milyong multa ang mga mapatutunayang nagsasagawa nito.

Hinahati ng panukala ang mga mangagawa sa apat na uri: regular, probationary, project at seasonal. Gagawaran din ng parehong karapatan ng mga regular na manggagawa ang mga project at seasonal habang tumatakbo ang kanilang proyekto.

Hindi naman pinagbabawalan ng bill ang ligal na job contracting.

Muli din nitong nilinaw na anim na buwan lang dapat ang probationary period ng mga bagong kuha na manggagawa.

Sa kabila nito, dati nang pinagbabawalan ang labor-only contracting sa ilalim ng Department Order 10 ng Department of Labor and Employment, ngunit itinuturo rin ito ng ilan na nagpahintulot sa sistema ng kontraktwalisasyon.

Business groups: I-veto ang bill

Pinalagan naman ng ilang business groups sa panukala, sa paniniwalang "karapatan ang pangongontrata."

"Job contracting as an exercise of management prerogative and business judgment is anchored on two constitutional rights: right and freedom to contract and right to property," sabi ng mga grupo.

(Karapatan ng management at negosyo ang pangongontrata ng trabaho na naka-angkla sa dalawang constitutional rights: ang karapatan sa pangongontrata at karapatan sa pagmamay-ari.)

Maliban dito, sinabi rin nila na pareho lang ito sa mga umiiral nang batas na promo-protekta sa mga manggagawa mula sa iligal na kontraktwalisasyon.

Hindi rin daw sakop ng panukala ang mga contractual na manggagawa na kinukuha ng mga ahensya ng gobyerno, sa ilalim ng sistemang "job order."

Kasama sa mga grupong nananawagan ng pag-veto nito ay ang:

  • American Chamber of Commerce of the Philippines
  • Australian-New Zealand Chamber of Commerce
  • Canadian Chamber of Commerce of the Philippines
  • European Chamber of Commerce of the Philippines
  • IT and Business Process Association of the Philippines
  • Japanese Chamber of Commerce and Industry of the Philippines, Inc.
  • Korean Chamber of Commerce Philippines
  • Makati Business Club, Management Association of the Philippines
  • Philippine Association of Multinational Companies Regional Headquarters Inc.
  • Philippine Chamber of Commerce and Industry, Semiconductor & Electronics Industries in the Philippines Inc.
  • Foundation for Economic Freedom

Taong 2016 nang mangako si Duterte na tatapusin niya ang sistema ng kontraktwalisasyon na umiiral sa bansa.

Sa kabila nito, sinabi niya noong nakaraang linggo na pag-aaralan niya pa kung pipirmahan niya ito.

Show comments