MANILA, Philippines — Gusto ng isang mambabatas na maturuan ng disiplina ang mga nais magmaneho ng sasakyan, dahilan para magpanukala siya ng parusa sa mga hindi papasa sa hihingiing pagsusulit ng Land Transportation Office.
Kung maipapasa ang House Bill 505, gagawin na ring mandatory para sa mga bagong aplikante at nagre-renew ng lisensya ang pagdaan sa aktwal na pagmamaneho at pag-upo sa mga "roadworthy driving seminar."
"We simply cannot allow our current traffic behavior to continue. We must choose to impose order, and in the course, improve the traffic system and the economy," sabi ni Rep. Robert Ace Barbers (Surigao del Norte 2nd District) sa isang pahayag.
(Hindi natin maaaring hayaan ang kasalukuyang pag-uugali sa kalsada. Kailangan nating magpatupad ng kaayusan, at kalaunan, makumpuni ang sistema ng trapiko at ekonomiya.)
Sa ilalim ng parehong bill, na pinamagatang "Roadworthy Driving Seminar for All Drivers Act," kinikilala ang pagmamaneho bilang pribilehiyo at hindi karapatan.
Para sa edukasyon ng mga driver at nais maging driver, bibigyan sila ng mga pag-aaral sa kaligtasan, pag-iwas sa aksidente, mga technique sa "defensive driving" at pagharap sa mga kritikal na sitwasyon, leksyon sa batas trapiko at kaalaman sa "first aid" at pagsaklolo.
Ilan sa mga rekisitos ang:
- tatlong oras ng pag-aaral kasama ang isang "certified instructor"
- 30 minutong pagmamaneho sa kalsada kasama ang isang test supervisor na susuri sa kaangkupan, kwalipikasyon, kahandaan, abilidad at aktwal na paglalapat ng mga natutunan sa seminar.
Hahandugan ng "Completion Certification" ang mga papalaring papasa, bago man o luma.
Pagbabayarin naman ng P500 hanggang P1,000 penalty ang mga mamalasing bumagsak.
"Apart from constructing more public roads and highways and providing more options for the commuting public, one straightforward solution to the traffic problem is to instill discipline and impart knowledge among motorists," dagdag ni Barbers.
(Maliban sa pagtatayo ng mas maraming kalye at pagbibigay ng iba't ibang mapagpipilian ng mga commuter, isang prangkang paraan sa problema ang pagtuturo ng disiplina at kaalaman sa mga motorista.)