‘Escort service’ sa NAIA bistado
MANILA, Philippines — Inutos ni Justice Secretary Menardo Guevarra ang imbestigasyon sa ilang tauhan ng Bureau of Immigration sa Ninoy Aquino International Airport na nagbibigay umano ng escort services sa iligal na mga manggagawang Intsik na pumapasok sa bansa.
Sinabi ni Guevarra na inatasan niya ang National Bureau of Investigation na siyasatin ang modus na ito sa paliparan na ang Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) ay nagbabayad ng tig-P10,000 para sa bawat Chinese hires na pumapasok sa Pilipinas.
“Inatasan ko ang NBI na magsagawa ng fact-finding probe sa escort facilitation services na ito kapalit ng pera sa paliparan at kasuhan ang mga sangkot dito,” paliwanag ng kalihim.
Binanggit pa ni Guevarra na ang kanyang direktiba ay nagpalawak sa kasalukuyang imbestigasyon ng NBI sa human trafficking operation sa NAIA.
Ipinalabas ng kalihim ang kautusan kasunod ng lumabas na report na ilang POGOs ang humihingi at nagbabayad para sa escort services umano ng ilang empleyado ng BI para maareglo ang pagpasok ng kanilang Chinese hires sa bansa gamit ang tourist visa pero sa katotohanan ay nagtatrabaho sa mga online gaming companies.
Napaulat na ang mga Chinese recruit ay inatasang makipagkita sa mga “escort” pagdating sa airport na tutulong sa kanila sa immigration procedure sa mga counter para hindi sila kuwestiyunin.
Ang mga POGO na walang licence to operate ay nagsasagawa ng ganitong modus operandi dahil hindi sila makapag-apply ng worker’s visa para sa kanilang mga manggagawang Intsik na pumasok sa bansa gamit ang two-year tourist visa at pansamantalang aalis at babalik muli at uulitin ang naturang proseso.
- Latest