MANILA, Philippines — Kailangang tumupad daw si Pangulong Rodrigo Duterte sa pangakong pagbibitiw oras na tumakbong speaker ng Kamara si Representative-elect Paolo Duterte (Davao City), sabi ng isang kaalyado ng presidente Huwebes.
Sa panayam ng ANC, sinabi ni House Majority Leader Fredenil Castro na dapat niyang gawin ito para mapanatili ang respeto ng publiko.
"For the president to be continuously believable, for the president to be continuously respected by the Filipino people, he should keep his words," ani Castro.
(Para manatiling kapani-paniwala ang presidente, para tuloy-tuloy siyang irespeto ng mga Pilipino, kailangan niyang tumupad sa mga binitiwang salita.)
Ika-27 ng Mayo ngayong taon nang banggitin ni Digong na magre-resign siya kung tatakbo sa nasabing posisyon ang kanyang panganay na lalaki.
"If you run, let me know (Kung tatakbo ka, sabihan mo ako). Mag-resign ako. Marami na tayo," wika ng nakatatandang Duterte noon sa Palasyo.
Hindi ito ang unang beses na nagbanta ang presidente na magbibitiw sa pwesto.
Ang pangakong ito, ilang beses nang inilutang ng dating Davao City mayor:
- kung mapatunayang tiwali ang mga anak
- kung may makapagbibigay ng pruwebang may Diyos
- kung hindi maipasa ang Bangsamoro Basic Law
- dahil "pagod na siya"
- at iba pa
"If he said before he will resign, he has to resign if Paolo Duterte runs for the speakership," dagdag ni Castro, na kinatawan din ng Capiz.
(Kung sinabi niyang magbibitiw siya, kailangan niyang magbitiw kung tumakbo si Paolo Duterte sa pagka-speaker.)
Bagama't una nang sinabi ni Paolo na wala siyang planong kunin ang pwesto, sinabi ng nakababatang Duterte nitong Martes na bukas na siya sa ideya.
"The House is divided, I might be able to help unite it," sabi niya.
(Watak-watak ang Kamara. Baka kaya ko silang pagkaisahin.)
Una na ring sinabi ni presidential spokesperson Salvador Panelo na seryoso ang pangulo sa resignation maliban na lang kung may mga sirkumstansyang makapagbabago ng kanyang isip.
Sa kabila ng mga sinabi ni Castro, naniniwala siyang "gaganda" ang relasyon ng Kamara at Palasyo kung maging speaker ang presidential son.
"Being son of the president, there could be a harmonous working relation between Malacañang, or the excutive, and the House of the Representatives," paliwanag ng House leader.
(Dahil anak siya ng presidente, pwedeng magkaroon ng magkatugmang ugnayan sa pagitan ng Malacañang, o ehekutibo, at ng Kamara de Representantes.)
Nangyayari ang lahat ng usapang ito kahit una nang in-endorso ng PDP-Laban, na partido ng pangulo, si Rep. Lord Allan Velasco (Marinduque) para sa pagka-speaker.