E-cigars, vape bawal na sa pampublikong lugar
MANILA, Philippines — Ipinagbabawal na ng Department of Health (DOH) ang paghithit ng electronic cigarette at vape sa mga pampublikong lugar.
Base sa Administrative Order 2019-0007 na pinirmahan ni Health Secretary Francisco Duque III noong Hunyo 14, kabilang na sa public smoking ban ang mga Electronic Nicotine and Non-Nicotine Delivery System (ENDS).
Ayon kay DOH spokesman Eric Domingo, ang AO ay magiging epektibo matapos itong mailathala sa dalawang pahayagan.
Ang paninigarilyo ng vape at e-cigarettes ay pinapayagan lang sa mga designated smoking area sa ilalim ng Section 4 of Executive Order 26.
Ang EO 26 na pinirmahan ni Pangulong Duterte noong 2017 ay nagbabawal sa paninigarilyo ng sigarilyo at iba pang tobacco product sa mga pampublikong lugar gaya ng mga paaralan, workplace, pasilidad ng gobyerno, simbahan, ospital, terminal, palengke, parke at mga resort.
Pinapayagan lamang ang paninigarilyo sa mga itinakdang lugar at open spaces na mayroong tamang bentilasyon.
Sinasabi rin sa AO na ang mga establisimyento na nagbebenta pati na sa online at sangkot sa paggawa, distribusyon, importasyon at eksportasyon ng mga produktong ENDS ay kailangan magkaroon ng license to operate mula sa Food and Drug Administration.
Ang retail din ng nicotine shots at concentrates ay ipinagbabawal na rin.
Ang mga container din ng mga ito ay kailangan lagyan ng tamang babala sa kalusugan.
- Latest