Sidewalks ‘wag gamiting exclusive parking space - LCSP
MANILA, Philippines — Binatikos kahapon ng Lawyers for Commuters Safety and Protection ang ilang business establishment na ginagamit na parking space ng mga sasakyan ng kanilang mga customer ang sidewalk na dapat sanang daanan ng mga tao.
“May mga signs na nga sila at yung iba ay naglalagay pa ng harang. Ibig sabihin, mistulang pag-aari na nila ang sidewalks sa harap nila. Subukan mong pumarada sa harap ng kanilang establishments at itataboy ka ng kanilang security guard.Tuloy nagiging mitsa na ito ng away. Kung tutuusin ang sidewalk ay hindi dapat pinaparadahan ng sasakyan. Side walk nga kaya dapat ang gumagamit ay mga pedestrians,” pahayag ni LCSP Founding President Atty. Ariel Inton.
Partikular niyang pinuna ang mga bangko at ospital na ginagawang exclusive parking space ang bangketa sa harap ng kanilang establisimiyento na kailangan umanong gawin para sa seguridad.
Inihalimbawa rin niya sa mga residential area na ang mga residenteng walang garahe sa bahay ay ginagawang paradahan ng sasakyan ang bangketa na dahilan para wala na halos madaanan ang mga motorista.
Malaking problema din umano sa paglala ng daloy ng trapiko ang pagsasagawa ng ilang bara-ngay sa one-side parking o kaya ay ginagawang pay parking ang mga lansangan.
Inihalimbawa ni Inton ang paggamit ng LTFRB at LTO sa tapat nilang kalsada sa East Avenue na paradahan ng impounded vehicles kahit na ito ay isang No Parking Zone.
- Latest