MANILA, Philippines — Humingi ng sorry si Pangulong Duterte sa 22 mangingisdang Pinoy na lulan ng kanilang bangka na binangga ng Chinese vessel sa Recto Bank sa West Philippine Sea noong June 9.
Kasunod ito nang pagkadismaya ng mga mangingisda sa unang naging komento ng Pangulo sa pagbangga ng kanilang bangka.
Gayunman, nanindigan pa rin ang Pangulo na ang nasabing pangyayari ay isang “maritime incident.”
Ayon pa sa Pangulo, humihingi ito ng paumanhin kung sa tingin ng mangingisda ay nadismaya sila sa kanyang naging pahayag pero nagpapasalamat din siya dahil walang nangyaring komprontasyon na maaaring magdulot ng kaguluhan.
Bagamat hindi niya minamaliit ang mga mangingisda ay nagpapasalamat na lamang ito dahil sa walang namatay at nasagip sila ng Vietnamese fishing vessel.