‘Chinese fishers bawal sa Recto Bank’ - Palasyo

Nasa kaliwa ang kusinero ng bangkang lumubog malapit sa Recto Bank na si Richard Blaza at ang may-ari ng bangka na si Arlinda dela Torre nang humarap kina Department of Agriculture Secretary Manny Piñol at Elizer Salilig (gitna) sa tanggapan ng kalihim kaugnay ng insidente ng pagbangga ng isang Chinese vessel sa bangka ng mga mangingisdang Pilipino kamakailan.

MANILA, Philippines — Kahit tila maingat ang Malakanyang sa pagpapalabas ng mga pahayag hinggil sa pag­lubog ng isang bangkang Filipino malapit sa Recto Bank, nakakatiyak naman si Presidential Spokesman Salvador Panelo na wala dapat sa naturang lugar ang mga mangingisdang Pilipino.

Sinasabi ng 22 tri­pulanteng Pilipino ng bangkang pangisdang F/B GemVir 1 na isang Chinese vessel ang sumalpok sa kanilang bangka bandang hatinggabi ng Hunyo 9 at agad na umalis ang mga ito pagkatapos ng banggaan.

Nang tanungin kung pinapayagan ang mga mangingisdang Intsik na mangisda sa Recto Bank, isinagot ni Pa­nelo, “Hindi”.

“Siyempre hindi pero hindi pa natin alam kung nangingisda sila roon,” sabi ni Panelo sa isang press briefing kahapon.

“Basta teritoryo natin nandun sila, mali ‘yun syempre,” dagdag niya.

Samantala, sinabi ni Panelo na hihintayin muna ng Malakanyang ang imbestigasyon ng Pilipinas at China sa insidente sa Recto Bank bago magbigay ng pahayag si Pangulong Rodrigo Duterte.

Sinabi ni Panelo na pinabubulaanan ng kapitan ng Chinese vessel na sinadya nilang banggain at abandonahin ang mga mangingisdang Pilipino na lulan ng bangkang pangisda sa Recto Bank noong hatinggabi ng Hunyo 9.

 “When there is a conflict. We have to know the facts...Huwag muna tayong mag-jump into conclusions. Lahat tayo ay observers,” wika pa ni Panelo. Meron an­yang dalawang bersyon kaya kailangang matukoy kung alin sa mga ito ang totoo.

Aniya, una, ang sabi ng Pinoy boat captain ay binangga sila habang nakaangkla sa Recto Bank at iniwan sila ng Chinese vessel pero pinabulaanan naman ito ng boat captain ng China at sinabing hindi nila iniwan ang mga ito at, bagkus, binalikan nila at nang masigurong ligtas naman ay saka sila umalis dahil sa takot na sila ay kuyugin ng iba pang mga mangi­ngisdang Pilipino na naroroon din sa lugar.  

Nilinaw din ni Pane­lo, dapat malinawan din kung talagang nangi­ngisda ang Chinese vessel kaya sila nasa Recto bank na ating teritoryo.

Show comments