Mosyon ni Jinggoy vs plunder ibinasura ng Sandiganbayan
MANILA, Philippines — Tuloy na ang paglilitis sa kasong plunder laban kina dating senador Jinggoy Estrada at Janet Napoles kaugnay ng pork barrel scam.
Ito’y matapos ibasura ng Sandiganbayan 5th Division ang inihaing demurrer to evidence nina Estrada at Napoles.
Sa desisyon ng anti-graft court, kumbinsido sila na sapat ang testimonial at documentary evidence na naiprisinta ng prosekusyon para ma-establish ang kasong plunder laban sa mga akusado.
Partikular na tinukoy sa resolusyon ang kasunduan nina Napoles at Estrada na idaan ang PDAF allocation nito sa NGOs na Magsasaka Foundation Inc (MAMPI) at Social Development Program for Farmers Foundations Inc. (SDPFFI), na may komisyong aabot sa 40 hanggang 60 percent kapalit ng kickbacks at komisyong paghahatian nila.
Ang demurrer ay isang motion para sa agarang pagbasura ng kaso dahil sa mahinang ebidensiya subalit sa kaso ni Estrada at Napoles, sinabi ng Sandiganbayan na mayroon silang sapat na pruweba para makitang guilty ang dalawa.
Sapat na din umano ang nasabing mga ebidensya para suportahan ang conviction sa krimen kung hindi sasagutin ng contrary evidence.
Si Estrada ay pansamantalang nakalalaya matapos maglagak ng piyansa habang nakakulong naman sa Correctional Institution for Women si Napoles matapos mahatulang guilty sa PDAF scam kung saan kapwa akusado nito si senator-elect Bong Revilla.
Ang dalawa ay sinasabing sangkot sa paggamit ng P183 milyong halaga ng pork barrel funds.
- Latest