Pangulo nahihimatay pa rin sa chocolate

Ito ang inamin ni Pangulong Duterte nang matanong ni Pastor Apollo Quiboloy ng Sonshine Media Network tungkol sa allergy niya sa chocolate.

MANILA, Philippines — May allergy sa chocolates at posibleng himatayin si Pangulong Rodrigo Duterte kapag kumain nito.

Ito ang inamin ni Pangulong Duterte nang matanong ni Pastor Apollo Quiboloy ng Sonshine Media Network tungkol sa allergy niya sa chocolate.

Ayon sa Pangulo umaabot  sa dalawang minuto siyang nagpa-pass out kapag nakakain ng chocolate.

Ayon pa sa Pangulo may mga taong hindi nakaalam na may allergy siya sa chocolates.

Pinayuhan pa ng Pangulo ang mga hindi nakaalam kung sila ay may allergy sa chocolate na kumain muna at obserbahan kung magkakaroon ng matinding sakit ng ulo.

Ikinuwento pa ng Pangulo ang isang pangyayari sa Dusit Hotel na dating Manila Garden kung saan nakakain siya ng Toblerone. 

Bukod sa nagsuka, nawalan din umano ng malay ang Pangulo kaya nadala siya sa clinic ng hotel.

Natanong din ang Pangulo kung anong oras siya natutulog na kalimitan umano ay alas-kuwatro, alas-singko o alas-sais ng umaga. Sinabi ng Pangulo na nagigising siya ng alas-dose at hindi na siya kumakain ng agahan dahil wala siyang gana.

Pero umiinom ng gatas ang Pangulo at nalampasan na niya ang pagiging “lactose intolerant.”

Natanong din ang Pangulo kung papaano ito nagre-relax at sinabi niya itinuturing niyang “security blanket” ang malaki niyang kama kung saan nakatulog na rin ang lahat niyang mga apo.

Pero kahit aniya maanghot o mabaho na ang kaniyang kama ay itinuturing niya itong kanyang comfort zone.

Show comments