MANILA, Philippines — Ibiniyahe na pabalik sa Canada ang may 69 container na basura na ikinarga sa isang barko na dumaong sa Subic freeport matapos ma-delay ang shipment nito kahapon.
Ayon kay Justice Sec. Menardo Guevarra na itinalagang caretaker ng gobyerno habang nasa 4-day working visit sa Japan si Pangulong Duterte, ang MV Bavaria ang maghahatid sa 69 container vans ng basura pabalik sa Canada na dumating kahapon bandang alas-5 ng hapon sa New Container Port sa Subic Bay.
Sinabi ni Sec. Guevarra, huling ikakarga sa barko ang mga containers na naglalaman ng mga basura upang una itong magdiskarga kapag dumating sa Ottawa.
Aniya, ang Canadian government na rin ang sumagot ng gastos na P10 milyon upang maibalik ang tone-toneladang basura na dumating sa bansa noong 2013-2014.
Kaninang madaling araw ang alis ng barko matapos makumpleto nang ikarga ang mga containers ng basura.
Magugunita na nagalit na si Pangulong Duterte sa tagal na hakutin ng Canada ang basura nito kaya inutusan ang mga awtoridad na kumuha na ng barkong magbabalik nito at kapag hindi tinanggap ay itapon ito sa mga beach ng Canada.