Rape jokes, ipagbabawal ng bagong ‘Bawal Bastos’ law
MANILA, Philippines — Maaari nang pagmultahin o makulong ang mga magbibitiw ng rape jokes dahil sa bagong "Safe Spaces Law" na naisabatas na.
Kinikilalang pasado na ang batas matapos bigong mapirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang bicameral conference committee report na niratipikawhan noong Pebrero.
Ayon sa batas, sakop nito ang malalaswang pananalita o “green jokes,” birong patungkol sa panghahalay sa mga kababaihan, paninipol, pagtitig, pangungulit at iba pang uri ng sexual harrasment.
"This is a big victory and a major push back against the growing 'bastos culture' in our streets and communities. Now, women and LGBTs have a strong policy instrument to protect us from gender-based street harassment,” ayon sa isa sa may akda ng batas na si Sen. Risa Hontiveros.
(Ito ay isang malaking tagumpay at isang pagkontra laban sa lumalaganap na kultura ng pambabastos' sa 'ting mga kalye't komunidad. Ngayon, ang mga kababaihan at LGBTs ay mayroon nang malakas na patakaran upang maprotektahan tayo mula sa harrassment batay sa kasarian.)
Dagdag ni Hontiveros sa panayam ng GMA News, kasama rin daw sa adbokasiya ng batas na tigilan ng public officials, pati na rin ang presidente, ang rape jokes.
Matatandaang nagbitiw ng rape joke si Duterte sa harap ng mga nagsipagtapos na kadete ng Philippine Military Academy ”Mabalasik” Class 2019 sa Baguio City noong Linggo.
Noong Setyembre 2018, nagbiro rin ang pangulo at sinabing kaya maraming kaso ng rape sa Davao City ay dahil maraming magagandang babae sa nasabing lugar. Mangilang beses nang sinabi ng Palasyo na ikinatutuwa ng mga Pilipino ang mga rape jokes ng pangulo.
Layon ng batas na gawing ligtas ang mga pampublikong lugar gaya ng paaralan, lansangan, malls, sinehan at mga pampublikong sasakyan. Ipinagbabawal din ng batas ang gender-based harassment gaya ng pagsasalita laban sa lesbian, gay, bisexual and transgender o LGBT community.
Parusa sa paglabag
Pagmumultahin ng P1,000 hanggang P10,000 ang mga mahuhuling maninipol o magca-catcall habang P10,000 hanggang P2,000 naman ang ipapataw para sa mga maglalabas ng pribadong parte ng katawan sa mga pampublikong lugar.
Haharap naman sa multang P30,000 hanggang P100,000 naman ang parusa para sa mga mapatutunayang nagsasagawa ng "stalking" at paghipo.
Maaari ring makulong ng 12 oras hanggang 30 araw and sinumang mang-catcall; 12 oras hanggang anim na buwan naman sa mga maglalantad ng pribadong parte ng katawan; at 11 days hanggang “maximum period” naman ng arresto mayor sa mga manghihipo.
“The effective implementation of this act will send a clear message to the world that we are fighting back. We will not allow gender-based harassment and violence to rule our public spaces anymore," sabi ni Hontiveros.
(Ang epektibong pagpapatupad ng batas na ito ay magpapadala ng malinaw na mensahe sa mundo na lumalaban tayo. Hindi na natin pinahihintulutan na lumaganap ang gender-based harassment sa ating mga pampublikong espasyo.)
Pinuri naman ng Commission on Human Rights (CHR) ang pagpasa sa nasabing batas. Umaasa ang komite na maipapatupad nang maayos ang batas upang maprotektahan ang karapatan ng mga mahihina.
“The greater challenge to us all is to work on a society that is free from discrimination, a community safe to express one's self, and a country with respect to everyone's rights and dignity,” sabi ni Jacqueline Ann de Guia, isang abugada at tagapagsalita ng CHR.
(Ang malaking hamon sa ating lahat ay ang gumawa sa isang lipunang walang diskriminasyon, mayroong ligtas na komunidad para maipahayag ang sarili, at isang bansang may paggalang sa mga karapatan at dignidad ng lahat.) — Philstar.com intern Edelito Mercene Jr.
- Latest