MANILA, Philippines — Nanawagan sa publiko ang isang grupong makakalikasan na itaas ng bawat Pilipino ang bandila simula bukas bilang pagtutol sa pagtatapon ng basura ng mga dayuhan sa Pilipinas.
Sinabi ito ng EcoWaste Coalition ngayong Lunes sa gitna ng mga basurang ipinuslit ng mga taga-Canada, South Korea, Australia at Tsina sa bansa nitong mga nagdaang taon.
"We find it very timely and necessary that we, as one people, take a united stance against the onslaught of foreign garbage that seems to be invading our shores," sabi ni Eileen Sison, presidente ng Ecowaste Coalition.
(Nakikita naming napapanahon ito at kinakailangan, bilang mamamayan, bilang paninindigan laban sa pagdagsa ng dayuhang basura sa ating mga baybayin.)
Iminungkahi nilang gawin ito mula ika-28 ng Mayo hanggang ika-12 ng Hunyo, kasabay ng pagdiriwang ng "National Flag Day."
Naaayon ito sa Executive Order 179, Series of 1994, kung saan hinihimok ang bawat Pilipino na magladlad ng watawat bilang pag-alala sa pagwawagayway nito sa Alapan, Imus, Cavite taong 1898.
"From mixed plastic wastes from Canada, South Korea and Hong Kong to mixed residual wastes processed into fuel from Australia, our country has fallen victim to this insidious global waste trade due to weak import controls and outdated regulations," dagdag ni Sison.
(Mula sa sari-sariling dumi mula sa Canada, South Korea at Hong Kong hanggang sa residual wastes ng panggatong mula Australia, nahulog ang bansa sa pandaigdigang pagpapasok ng basura dahil sa mahihinang kontrol at 'di na napapanahong regulasyon.)
Pinakahuli sa mga nadiskubreng "imported" na basura ay galing Tsina, na natuklasan nitong Miyerkules sa Tagoloan, Misamis Oriental.
Ikinatatakot naman nina Sison na lalala pa ito hangga't hindi pa raw gumagawa ng nagkakaisang posisyon ang bansa laban sa pagpasok ng waste material na itinatago raw sa pagre-recycle.
Matatandaang sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte noong ika-6 ng Mayo na dapat nang ipagbawal ang waste imports.
Kaugnay nito, pinauwi na ng Department of Foreign Affairs ang mga ambassador ng Pilipinas sa Canada at nagbanta na itatapon ito sa kanilang mga katubigan kung hindi nila ito tatanggapin.
'Hindi tapunan ng daigdig'
"The President is firm that we are not garbage collectors, thus he ordered that the Philippines will no longer accept any waste from any country," sabi ni presidential spokesperson Salvador Panelo sa isang press briefing noong ika-7 ng Mayo.
(Resolbado ang presidente na hindi tayo tagakolekta ng basura, kung kaya't hindi na tayo tatanggap ng bansa mula sa anumang bansa.)
Ang panawagang ito, sinasang-ayunan naman ng grupo.
"To make it crystal clear to everyone that our country is not a global trash bin, we invite our citizens to display our flag with pride during the flag days," sabi ni Sison.
(Para maging klaro sa lahat na hindi tayo tapunan ng mundo, iniimbitahan namin ang lahat ng mamamayan na ilabas at ipagmalaki ang ating bandila habang ipinagdiriwang ang mga araw na ito.)
Mungkahi ng EcoWaste, magpatupad ng komprehensibo at madaliang ban sa waste imports at patawan ng malaking parusa ang mga lalabag dito.
Dapat din daw pabilisin ang ratipikasyon ng Basel Ban Amendment na nangangailangan ng pagsang-ayon ng Senado.
Bagama't bahagi ng Basel Convention ang Pilipinas, na tratadong nagbabawal sa pag-eexport ng mapaminsalang basura sa mga umuunlad na bayan, hindi pa rin niraratipikahan ng Pilipinas ang Basel Ban Amendment.
Sa ilalim nito, dinadagdagan ang mga uri ng basura na wala sa orihinal na Annex VII ng convention.
Kung gagawin daw ito, magiging pormal na ang anunsyo ni Duterte patungkol sa mga nasabing basura.