MANILA, Philippines — Hanggang Hunyo 13 lamang ang pagsusumite ng Statement of Contributions and Expenditures (SOCE) ng mga kumandidato noong May 13 elections.
Ito ang paalala ng Commission on Elections (Comelec) sa lahat ng mga kumandidato upang maiwasan ang anumang paglabag.
Ayon kay Comelec Spokesman James Jimenez, sa ilalim ng batas, inoobliga ang bawat kandidato at electoral parties na isumite ang kanilang SOCE sa loob ng 30 araw matapos ang halalan.
Aniya, hindi na tatanggapin ng Comelec ang mga nagsumite ng kanilang SOCE matapos ang deadline maliban na lamang kung nanalo ito sa halalan.
Gayunman, kahit nanalo sa nakaraang halalan hindi naman makakapagsimula sa kanilang trabaho hanggat walang SOCE.
Dagdag pa ni Jimenez na irereport nila sa Department of Interior and Local Government ang sinumang hindi susunod sa batas. Isa itong administrative offense.
Ang SOCE ay kabuuang report ng ginastos ng kandidato sa kampanya at donasyon sa kandidato.