MANILA, Philippines — Aprub na sa ikatlo at huling pagbasa sa Senado ang Security of Tenure Bill na layong tuldukan ang endo o ang “end of contract” scheme.
Sa botong 15, walang kumontra at walang abstention, lumusot ang nasabing panukala kung saan tuluyang ipagbabawal ang “labor-only contracting” kapag naging ganap na batas.
Ayon kay Sen. Joel Villanueva na pangunahing awtor, ginagarantiyahan ng Konstitusyon ang seguridad sa trabaho at pagbibigay ng proteksiyon sa mga manggagawa.
Sa ilalim ng panukala, magkakaroon ng apat na klasipikasyon ang mga empleyado: regular, probationary, project at seasonal.
Ang mga project at seasonal workers ay magkakaroon ng kaparehong karapatan na ibinibigay sa mga regular na empleyado katulad ng bayad sa minimum wage at social protection benefits sa loob ng kanilang employment.
Sa ilalim ng endo, hindi ganap na nagiging regular na empleyado ang mga manggagawa dahil tinatanggal na ang mga ito bago pa umabot ng anim na buwan sa kompanya.
Ang iba, nire-renew ang kontrata kada limang buwan upang maiwasa n ng mga employer ang magbigay ng buong benepisyo kapag umabot na nang anim na buwan ang manggagawa at naging regular.
Umaasa si Villanueva na tuluyang magiging ganap na batas ang panukala bago matapos ang 17th Congress lalo pa’t sinertipikahan itong “urgent” ng Malacañang.