Recall sa labor attache sa Canada posible

MANILA, Philippines — Pinag-aaralan na ng gobyerno ang pagpapa-uwi sa bansa ng Philippine labor attachés sa Canada dahil sa hindi pa nareresolbang isyu sa basura.

“If our relationship with Canada won’t improve, I might decide to recall our labor attaché, those heading our POLO office in Vancouver and Toronto,” ani Labor Secretary Silvestre Bello III.

Gayunman, kaila­ngang pag-aralan munang mabuti kung kailangan nang gawin ang hakbang.

Una ng pinabalik ng bansa ni Foreign Affairs Sec. Teddyboy Locsin ang ambassador at consul ng Pilipinas sa Canada dahil sa kabiguan ng Canadian government na matupad ang May 15 deadline ni Pangulong Duterte para hakutin ang kanilang mga basura.

Binigyang-diin ni Bello na hindi lamang ito usa­pin ng basura kundi natatapakan dito ang karangalan ng Pilipinas.

Hindi aniya basu­rahan ang Pilipinas na maituturing na pambabastos.

Isinisi rin ni Bello sa dating administrasyon ang pangyayaring hina­yaan na lamang bagsakan ng basura ang bansa.

“Ewan ko kung anong nangyari kung bakit pinayagan ng dating administrasyon kung sino mang administrasyon ‘yon,” ani Bello.

Tiniyak naman ng kalihim na hindi maaapek­tuhan ang mga Pinoy sa Canada, sa mga dati nang naroroon o mga nakatakda pang magtungo doon.

Sa kasalukuyan ay nasa mahigit 800,000 Pinoy ang nagtatrabaho at naninirahan sa Canada.

Show comments