MANILA, Philippines — Tuloy ang kandidatura ni Camarines Norte Gov. Edgardo Tallado na tumatakbo muling gobernador ng lalawigan.
Kasunod ito ng inilabas ng Supreme Court en banc na status quo ante order laban sa resolution ng Comelec en banc na nagdi-disqualify sa kandidatura ni Tallado.
Ayon kay Atty. George Garcia, abugado ni Tallado, dumulog sya sa Korte Suprema kamakalawa ng umaga para kwestyunin ang desisyon ng Comelec en banc.
Sa tatlong pahinang resolusyon, pinagbigyan ang hiling ng kampo ni Tallado sa pamamagitan ng status quo ante order. Binigyan din ng 10 araw ang Comelec para magkomento.
Una ng dinisqualify ng Comelec si Tallado dahil pang-4 na termino na raw nya sakaling manalo ngayong tatakbo syang gubernador.
Iginiit ni Tallado na hindi natapos ang kanyang 2ng term matapos syang suspindihin ng Ombudsman noong 2015 ng isang taon at idismis naman ng DILG noong March 2018 sa kanyang ikatlong termino pero ibinalik sa pwesto noong Oktubre.