MANILA, Philippines — Viral sa social media ang panibagong pag-atake sa pangulo ng Republika ng Pilipinas habang nagtatalumpati sa probinsya ng Bohol, Miyerkules ng gabi.
Pero ang sumugod kay Pangulong Rodrigo Duterte, hindi rebelde, terorista o pulitiko ngunit... isang ipis.
Sa video, makikitang itinaboy ni Police Capt. Sofia Loren Deliu ng Presidential Security Group ang peste mula sa balikat ng 74-anyos na head of state.
Nagbiro pa ang kontrobersyal na lider na pakawala ng oposisyon ang 'di inaasahang attacker.
"Liberal 'yan. Sigurado. Halata sa likod oh," sabi ni Duterte sa Bisaya matapos tapakan ang insekto.
Lamok, minura
Matatandaang pinagmumura naman ni Duterte ang isang lamok matapos maalibadbaran dito habang nagsasalita sa PDP-Laban campaign rally sa Marikina.
"T***inang lamok ka. Leche! Nainit ang ulo ko," sabi niya noong ika-20 ng Marso.
Nangyari ang insidente sa parehong araw ng paglabas ni Presidential Spokespersron Salvador Panelo sa panibagong matrix, kaugnay ng pagsasabwatan diumano ng Liberal Party, Magdalo, Kaliwa at iba pa para pabagsakin ang administrasyon.