MANILA, Philippines — Posibleng lumala pa ang malawakang pagbaha sa siyudad ng Dagupan sa Pangasinan sa paparating na panahon ng tag-ulan ngayong taon.
Ito ay kung magpapatuloy ang kawalang aksyon ng pamahalaang bayan sa inirekomendang mga anti-disaster mitigation plans ng pamahalaan.
Sa ginawang pag-aaral ng Asian Disaster Preparedness Center (ADPC), naapatan sana ang halos lagpas baywang na baha sa Dagupan noong isang taon na nakaapekto sa mahigit 41,000 pamilya sa 31 barangay sa nasabing lungsod.
Dalawang linggong lubog sa baha ang siyudad. Hindi umano naayudahan ng husto ang mga mamamayan sa pagkain, lumala ang taggutom at nagkasakit ang mga bata at matatanda. Hindi rin nadaanan ng mga sasakyan ang mga kalsada paloob at palabas ng siyudad.
Batay sa report ng ADPC, karaniwan na ang pagbaha sa Dagupan sapagkat dinadaanan ito ng pitong mga ilog na ang tubig ay dumadaan dito na lumalabas sa dagat. Mataas din ang ipong sediment sa mga ilog na pumipigil para sa tubig ulan na makalabas ng Dagupan patungo sa West Philippine Sea.
Naghanda na ang ADPC ng plano, ngunit napuna na kumikilos lamang ang City Disaster Preparedness Council o CDPC kung mayroon nang sakuna.