MANILA, Philippines — Nagbitiw na sa kanyang puwesto si Manila Water Co. Chief Operating Officer Geodino Carpio sa gitna ng krisis sa tubig na umiiral sa ilang bahagi ng kalakhang Maynila.
“Nag-disclose na po kami dahil nagpadala na po kami ng liham sa Securities and Exchange Commission na tinanggap na nga po ‘yung pagbibitiw ng aming chief operating officer na si Mr. Geodino Carpio po, effective po today,” sabi ni Dittie Galang, Manila Water communications planning and tactical development manager.
“Ang natanggap lang po naming notice ay tinanggap na po ng aming Board of Directors ang kaniyang pagbibitiw. Pero siya po ay magtatrabaho pa hanggang sa katapusan ng buwan,” dagdag niya.
Itinalaga ng Board of Director bilang officer-in-charge ng kumpanya si Abelardo Basilio na group director ng Strategic Asset Management ng Manila Water.
Sinabi ni Galang na wala siyang personal na kaalaman sa dahilan ng pagbibitiw ni Carpio.