21 sa 100 Pinoy 'mahihirap' sa first half ng 2018 — PSA

Sa parehong panahon, sinasasabing 16.1% ang naitalang poverty incidence.
File

MANILA, Philippines — Naglabas na ng panibagong datos ang Philippine Statistics Authority tungkol sa kahirapan ng bansa nitong nakaraang taon.

Lumalabas na 21 sa 100 Pilipino ang kabilang sa mahihirap na pamilya sa first half ng taong 2018.

Sa parehong panahon, sinasasabing 16.1% ang naitalang poverty incidence.

Para sa mga pamilyang may limang miyembro, kinakailangan ang 'di bababa sa P7,337 para matugunan ang batayang pangangailangan ng pamilya sa pagkain sa isang buwan.

Para sa mga nakatira sa National Capital Region, aabot sa P11,752 kada buwan naman ang kailangan mong gastusin para sa minimum na pangangailangan sa pagkain at 'di pagkain.

Bagama't malapit lang sa Metro Manila, mas mura naman ang kinakailangan ng mga pamilyang may limang miyembro sa MIMAROPA para masagot ang minimum basic food and non-food needs sa P9,517.

Dagdag pa nila, aabot sa 21% ng Pilipino ang hindi sapat ang kinikita upang matugunan ang mga batayang pangangailangan (pagkain at 'di pagkain) sa unang semestre ng 2018.

Sa 17 rehiyon, nakakuha ng pinakamababang poverty incidence sa mga pamilya ang NCR sa 4.9% sa unang semestre ng 2018 (6.6% poverty incidence among population).

Malayo ang datos ng NCR sa noo'y Autonomous Region in Muslim Mindanao na 55.4% sa parehong panahon (63% poverty incidence among population).

Target ng administrasyong Duterte na mapababa ang poverty rate patungong 14% pagdating ng 2022. Katumbas niyan ang 6,000,000 Pinoy.

Nakikita naman ng Asian Development Bank na makakamtan ng gobyerno ang kanyang layunin sa nasabing panahon.

Show comments