MANILA, Philippines — Malilibre na sa pagbabayad ng travel tax ang mga senior citizens at Persons With Disability (PWDs).
Ito’y kung tuluyang maisabatas ang House Bill 7964 o ang “Tax Free Travel for Senior Citizens and PWDs Act” na iniakda ni Bacolod City Rep. Greg Gasataya na inaprubahan na sa ikatlo pinal na pagbasa ng Kamara.
Sa ilalim ng panukala, hindi na pagbabayarin ng travel tax ang mga matatanda at ang mga may kapansanan.
Nakasaad na minsan ang mga senior citizens at mga PWDs ay kinakailangang magpagamot sa ibang bansa at malaking tulong para sa kanila na malibre sa pagbabayad ng travel tax para sa mas accessible na overseas travel.
Ayon kay Gasataya, marapat lamang na maibigay rin ng estado ang kinakailangang tulong sa mga senior citizens at PWDs na karaniwang umaasa lamang sa pension o sa kita ng pamilya.
Nauna nang naipasa sa ikatlo at huling pagbasa sa Kamara ang panukalang magbibigay ng 20% discount sa travel tax para sa mga senior citizens at PWDs.