MANILA, Philippines — Nababahala si Marinduque Rep. Allan Velasco kung saan napupunta ang mga bilyon-bilyong halaga ng nakukumpiskang illegal na droga ng mga awtoridad mula sa kanilang mga operasyon.
Ayon kay Velasco, nakakapag-alala kung ano na ang nangyayari sa mga ebidensya na nakukumpiska mula sa mga drug busts.
Giit ng kongresista, bagamat pinupuri nila ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at iba pang law enforcement agencies dahil sa pagkakakumpiska ng halos 500 kilo ng shabu, hinihikayat pa rin niya ang mga ito na ingatan ang mga ebidensya laban sa mga responsable sa pagdadala ng illegal na droga para masampahan ng kaso sa korte at maipanalo ito.
Marami umanong nakakarating na balita sa kanila na ang ilan sa mga otoridad ay tumatalikod sa kanilang sinumpaang tungkulin at nagbebenta ng mga ebidensya na dapat hindi nangyayari.