MANILA, Philippines — Sa joint press briefing kasama si Chinese state councilor Wang Yi, siniguro ni Department of Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. na iingatan nila ang mga Tsino na kasalukuyang nasa bansa.
Sinabi niya ito sa kabila ng agawan sa West Philippine Sea at kontrobersyal na paglobo ng manggagawang Tsino sa Pilipinas.
Ito'y kahit tumaas ang unemployment rate sa Pilipinas mula sa 5.10 porsyento noong Oktubre 2018 patungong 5.20 porsyento nitong Enero 2019.
"[Y]ou have our assurance that the Philippines will look out for your people in my country as I have seen China look out for our people in yours," ani Locsin noong Miyerkules.
Nasa Tsina siya para sa kanyang unang opisyal na state visit kasama sina Executive Secretary Salvador Medialdea at Finance Secretary Carlos Dominguez III mula ika-18 hanggang ika-21 ng Marso.
Matatandaang ipinagtanggol ni special envoy to China Ramon Tulfo ang pagkuha ng mga manggagawang Tsino ng bansa dahil sa "katamaran" daw ng mga Filipino construction workers.
Dagdag ni Locsin, isasantabi raw muna ng dalawang bansa ang mga 'di mapagkasunduang bagay para paigtingin ang pakikipag-ugnayan.
"We are happy that our friendship has grown from strength to strength. This augurs well for the eventual resolution of differences in a fashion that does full justice to the honor of both our nations who have learned, bitterly and then proudly, that a nation’s most precious possession is not wealth nor power but honor," dagdag niya.
Bilang bahagi ng kooperasyon ng dalawang bansa, una magpapautang ang Tsina sa Pilipinas para pondohan ang sari-saring infrastructure projects, kabilang na riyan ang New Centennial Water Source – Kaliwa Dam Project at Chico River Pump Irrigation Project.
Inilinaw naman ng Department of Finance na 173 Chinese nationals lang ang kasalukuyang nagtratrabaho sa infrastructure projects ng gobyerno.
Papuri sa Communist Party
Pinapuruhan din niya ang Chinese Communist Party at sinabing binigyan nito ng direksyon ang bansa.
Bagama't pinakamalakas pa rin daw na pwersa sa pagsulong ang mamamayan, kakailanganin pa rin daw ang pagkumpas ng iisang kamay.
"That hand is absent in Western democracy," ani Locsin.
"That direction the Communist Party has supplied; no other institution anywhere in the world could do it. The Party’s repeated self-criticism and self-reformation, especially against the corrosive effect of corruption on legitimacy, have assured the Party’s continuing credibility, vibrancy, and relevance as China’s driving force."
Sa gitna ng mga papuring ito, nananatiling malaki ang lamat sa relasyon ng Pangulong Rodrigo Duterte at Communist Party of the Philippines, isang grupo na itinatag batay sa mga turo ng Chinese communist leader na si Mao Zedong.
Nitong ika-18 ng Marso, tinerminate ni Medialdea ang appointment ng mga miyembro ng peace panel na nakikipagnegosasyon sa CPP, New People's Army at National Democratic Front of the Philippines.
"The discontinuance of the services of the members of the [Government of the Republic of the Philippines] panel is in line with the termination of peace talks with the NDFP. But we will reconstitute the panel at a national scope in accordance with the whole-of-nation approach we are advocating to achieve inclusive and sustainable peace," sabi ni peace adviser Carlito Galvez Jr. Miyerkules ng gabi.