MANILA, Philippines — Pitong tumatakbong senador ang dala o inindorso kahapon ng Filipinos for Peace, Justice and Progress Movement (FPJPM), ang partidong binuo ni late “The King” Fernando Poe Jr.
Sa isang pulong balitaan sa Club Filipino sa San Juan City kahapon ng umaga, sinabi ni Boots Cadsawan na sinusuportahan nila ang kandidatura nina reelectionist Grace Poe, Sonny Angara, dating mga Senador Bong Revilla at Jinggoy Estrada, gayundin sina special assistant to the president Christopher “Bong” Go, at dating PNP chief, P/General Ronald “Bato” Dela Rosa, gayundin ang independent candidate na dating senador na si Serge Osmeña.
Tiniyak naman ni Cadsawan na makapagbibigay sila ng 2-milyong boto sa mga sinusuportahang kandidato, kabilang dito ang kanilang may kalahating milyong miyembro, at mga pamilya, mga kaanak at mga kaibigan.
Ang FPJPM ang grupong nasa likod ng presidential campaign ni Poe noong 2004 gayundin sa presidential candidacy ng kanyang anak na si Senador Grace noong 2016.